Advertisers
SUMUKO nitong Miyerkoles sa pulisya ang dating regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na inakusahang “protektor” ng mga sangkot sa illegal drugs.
Tinagurian bilang high-value target, si Erwin Ogario, dating PDEA-National Capital Region (NCR) chief, ay lumutang sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) regional director Brigadier General Rommel Francisco Marbil matapos makatanggap ng mga pagbabanta sa kanyang buhay.
“He showed up since he has been getting death threats. We just found out that he has a warrant of arrest issued by a court in Quezon City. His voluntary surrender manifests his trust and confidence in our system and leadership,” sabi ni Marbil sa mga reporter.
Pinosasan ni Marbil si Ogario matapos basahan ng kanyang warrant of arrest. Pagkatapos ng booking procedures, dadalhin siya sa Quezon City court.
Si Ogario ay nahaharap sa mga reklamong ‘importation of dangerous drugs’, paglabag sa Section 4, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Si Judge Elvira Panganiban ng Quezon City Regional Trial Court Branch 227 ang nag-isyu ng arrest warrant laban kay Ogario noong Enero 3, 2019.
Sinabi ni Marbil na si Ogario ay nanatili lang sa kanyang pamilya sa Eastern Samar.
Nagkausap na sina Marbil at Ogario noong nasa pagitan ng 2014 at 2015 habang PDEA Region 13 director pa ang huli, at ang una ay provincial director ng Agusan del Norte PNP.
Si Ogario ay PDEA regional director ng NCR nang tanggalin siya sa serbisyo noong 2017 dahil sa isyu ng pagpoprotekta sa mga nahuhuli sa droga.
Siya ay pinapanagot sa ‘obstruction of justice’ sa mabilis na pagpalaya sa naarestong drug importer, matapos tanggapin ang parcel na naglalaman ng 1,358 ecstasy tablets sa post office sa Pasay City noong June 29, 2015, nang walang isinampang criminal charges laban sa suspek.
Noong 2021, pinangalanan ni dating Presidente Rodrigo Duterte si Ogario na isa sa PDEA officials na tumatanggap ng suhol mula sa naaarestong drug personalities para mapadali ang pagpalaya mula sa pagkakakulong at pagbasura sa mga isinampang kaso laban sa mga ito.(Mark Obleada)