Advertisers
Bilang tugon sa kanyang pangako na tulungan ang mga Pilipinong naapektuhan ng krisis, nagbigay si Senator Christopher “Bong” Go ng ayuda sa mga biktima ng malawakang pagbaha mula sa mahigit 50 barangay sa Zamboanga City.
“Huwag ho kayong magpasalamat sa amin. Sa totoo lang po, kami po ay dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo po kami ng pagkakataong makapagserbisyo sa inyong lahat. Kaya hindi namin sasayangin ang pagkakataon, magseserbisyo po kami sa inyo sa abot ng aking makakaya,” ayon kay Go.
“Ako po’y sanay sa trabaho. Umaga, tanghali, hapunan, kahit panaginip puro trabaho. Pero hindi po ako napapagod ‘pag nakikita ko po kayo na masaya rin po at nakakatulong kami sa inyo,” dagdag niya.
Noong Enero 11, nagdulot ng matinding pagbaha ang low pressure area sa Zamboanga City at Basilan.
Nagsimulang mamigay ng tulong ang pangkat ni Go sa mga barangay noong Enero 13.
Ang mga biktima ng baha na na-stranded ay dinala sa evacuation centers at pinadalhan ng kanilang mga pangangailangan.
Tiniyak ni Go na patuloy niyang isinusulong ang batas para maging matatag ang bansa laban sa mga kalamidad. Itinutulak niya na maisabatas ang kanyang panukalang Disaster Resilience Act.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 188, pagsasama-samahin sa Department of Disaster Resilience ang lahat ng mahahalagang tungkulin at mandato na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang ahensyang may kinalaman sa kalamidad.
“Kami po’y inyong public servant. Para lang tayong kapitbahay, magkakapatid tayo. Kalabitin n’yo lang po kami kahit saan tayo magkita. Kami po’y tutulong sa inyo sa abot po ng aming makakaya. Nandito po kami na handang tumulong po sa inyong lahat,” pagtatapos ni Go.
Ipinadala rin ni Sen. Go ang kanyang koponan upang bisitahin ang Catarman, Northern Samar noong Miyerkules, Enero 18, at namahagi ng relief goods sa lokal na pamahalaan nito para sa mga biktima ng baha.
Dadalaw sana sa lalawigan si Sen. Go noong Enero 17 para personal na magbigay ng tulong sa mga indigents ng nasabing mga bayan, bisitahin ang inayos na public market sa Catarman, inspeksyunin ang Super Health Center sa Lavezares gayundin ang bagong itinayong covered court na sinuportahan ng senador.
Gayunpaman, nagkaroon ng mekanikal na problema ang isa sa mga makina ang sinakyan niyang eroplano kaya napilitan silang ihinto ang paglipad nito.
“Sa kasamaang palad, noong kami ay papaangat na para lumipad ay nagkaroon ng mechanical issue sa isa sa mga makina at preno ng eroplanong aming sinasakyan kung kaya’t naantala ang aming pagbyahe. Salamat sa Diyos, ligtas kami at walang gaanong aberya sa ating paliparan,” kuwento ni Go.
“God willing, patuloy po akong bibisita sa ating mga kababayang tinamaan ng sakuna at iba’t ibang krisis. Tutulong po ako sa abot ng aking makakaya nasaan man kayo sa bansa,” patuloy niya.
Pinuri ni Go ang mga lokal na opisyal ng Catarman, sa pangunguna ni Mayor Francisco “Antet” Rosales III, para sa kanilang serbisyo at sa pagpapakita ng habag sa mga nasasakupan sa gitna ng masamang panahon.