Advertisers

Advertisers

SALCEDA: TALAMAK NA SMUGGLING BUBUSISIIN!

0 189

Advertisers

NAKATAKDANG imbestigahan ng House Committee on Ways and Means sa pangunguna ni Albay Representative Joey Salceda ang napaulat na malalang kaso ng smuggling ng mga produktong agrikultura sa mga pangunahing port of entry sa bansa.

Ipinatawag ng komite ang humigit kumulang 40 opisyal ng pamahalaan mula sa Department of Finance, Bureau of Customs at iba pa upang mabigyan-linaw at karampatang aksiyon ang pamamayagpag ng mga mayayamang smuggler sa Ma-nila International Container Port, Batangas at Subic Port, kungsaan milyon-milyong pisong halaga ng mga produkto aniya ang nauna nang nahuli.

Inaasahang gigisahin ni Salceda at iba pang miyembro ng kamara sina Finance Sec. Benjamin Diokno at Customs Commissioner Yogi Ruiz hinggil sa problemang ito, na ayon sa mambabatas ay “hindi katanggap tanggap” sapagkat bukod sa pinagmumulan ito ng korapsyon, ito rin ang pumapatay sa lokal na industriya.



Sa katunayan, apat na magkakahiwalay na pagkompiska ng mga iligal na kargamento ang isinagawa nito lamang Disyembre, sabi ni Salceda.

Bukod dito, mayroong 7,000 tonelada ng asukal ang nasabat din noong nakaraang Agosto. Senyales aniya ito na “large-scale” na ang pagpapalusot ng mga kontrabando sa mga naturang lugar.

“We are prepared to name names at the proper time. For now, we will protect our sources,” diin ni Salceda.

Una nang napaulat na mayroong tatlo hanggang apat na malalaking smuggler ang nag-o-operate sa Port of Manila, MICP, Subic at Batangas.

Partikular namang tututukan ang operasyon ng isang alias “Amina” na malakas ang kapit diumano sa Department of Finance at sa BOC.



Si “Amina” ang tinatawag na reyna ng smuggling sa Subic, MICP at Batangas port kungsaan siya nagpaparating ng mga kuwestiyonableng kargamento.

Si “Amina” rin, base sa impormasyon, ang lumulutang at umaareglo sa tuwing may nahuhuling kargamento sa aduana.

Bubusisiin din ng Kamara ang pinaniniwalaang sabwatan ng ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan sa mga lokal na consignees sapagkat sila ang ginagamit ng mga smuggler upang palusutin ang kanilang mga kalakal.