Advertisers
SINUNOG ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang P1.7-milyong halaga ng mga inabandona at expired na kalakal na dumating nang walang kinakailangang clearance noong Enero 6 sa isang pasilidad na matatagpuan sa Trece Martires City, lalawigan ng Cavite.
Ang nasabing expired na kalakal ay sinira sa ilalim ng pangangasiwa ng Port’s Auction and Cargo Disposal Division (ACDD) at gamit ang Thermal Decomposer (Pyrolysis) Facility ng Integrated Waste Management Inc. (IWMI).
Ang pamamaraang ito ay isang inisyatiba sa proteksyon sa hangganan ng BOC upang protektahan ang publiko mula sa hindi ligtas at mapaminsalang mga produkto ng mamimili at upang mabawasan ang mga bodega na may mga ‘overstaying’ na mga kargamento.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni District Collector Carmelita Talusan na bukod sa pagpigil sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na kalakal, ang pagkasira ng mga hindi ligtas at expired na mga produkto ay mahalaga din upang ma-decongest ang mga customs warehouse upang magbigay ng sapat na espasyo para sa pagdating ng mga kalakal.
Ang BOC-Port of NAIA ay sumusuporta sa mga direktiba ni Commissioner Yogi Felimon Ruiz na tiyakin ang pagbabantay sa pagpasok ng mga mapanganib na droga, anti-social goods, at hazardous substance na naaayon sa marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (JOJO SADIWA)