Advertisers

Advertisers

Unang kaso ng ‘ligaw na bala’ sa 2023 naitala ng DOH

0 179

Advertisers

NAKAPAGTALA na ang Department of Health (DOH) ng unang biktima ng stray bullet incident o ligaw na bala sa pagsalubong sa Taong 2023.

Sa pinakahuling surveillance report na inilabas ng DOH nitong Martes, Enero 3, 2023, nakatanggap sila ng ulat mula sa Philippine National Police (PNP) na may gunshot wound incident na naitala dakong 3:22 ng madaling araw noong Enero 1, 2023.

Ang insidente ay kinasasangkutan ng isang 64-taong gulang na babae na mula sa Maynila, na tinamaan ng ligaw na bala habang naglalakad patungo sa bahay ng kanyang bayaw.



Agad naisugod ang biktima sa Philippine General Hospital (PGH) upang malapatan ng lunas.

Base pa rin sa naturang ulat ng DOH, nabatid na umaabot na ngayon sa 262 ang kabuuang bilang ng fireworks-related injuries (FWRI) na kanilang naitala sa bansa sa pagsalubong ng Bagong Taon simula noong Disyembre 21, 2022.

Ayon sa DOH ang kabuuang bilang ng mga biktima ng paputok ay mas mataas ng 42% kumpara sa 185 kaso lamang na naitala nila sa kaparehong petsa noong nakaraang taon, ngunit 15% na mas mababa sa five-year average na 308 kaso, sa kahalintulad na panahon.

Napag-alaman na ang National Capital Region (NCR) pa rin ang rehiyon na nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng fireworks-related injuries na umabot sa 125, sumunod ang Western Visayas na may 31, Ilocos Region na may 23, Central Luzon na may 22, Calabarzon na may 13, at Bicol Region na may 12.

Nakapagtala naman ng walong kaso ang Cagayan Valley, pito sa Central Visayas, anim sa Soccsksargen, apat sa Cordillera Administrative Region (CAR), tatlo sa Mimaropa, tigdalawa sa Northern Mindanao at Davao Region, at tig-isa ang Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula.



Sa mga biktima ng paputok naman, 92 ang nagtamo ng sugat sa kamay, 75 sa mata, 35 sa hita, 34 sa ulo at 31 sa braso o punong braso.

Ang 16 sa kanila ay nagtamo ng blast o burn injuries na nangangailangan ng amputation o kinailangang putulan ng bahagi ng katawan.

Wala namang iniulat na namatay sa insidente.

Wala namang fireworks ingestion na naitala ng DOH sa bansa. (Andi Garcia)