Advertisers
ISINANGKOT ang isang mataas na opisyal ng Armed Forces of Philippines (AFP) sa pagpatay sa isang dating modelo at negosyante noong Huwebes, December 29, 2022, sa Davao City.
Kumalat sa social media ang pangalan ng opisyal ng militar nang i-post sa Facebook account ng isang Xian Gaza ang utak sa pagpatay sa dating modelo na si Yvonne o Yvonette Plaza Chua, 38 anyos.
Sa isang Facebook post din ilang araw bago pumanaw si Chua, ibinahagi nito ang mga larawan na kuha ng mga galos na diumano’y nakuha niya matapos siyang saktan ng isang “Jes Durante”.
“Jess Durante did this to me,” sabi ni Chua sa kanyang post.
Sa isang page pa, sinabing ang sinasabi ni Chua na Heneral ng AFP ay si Brigade Commander General Jess Durante.
Humingi ng tulong kay Vice President Sara Duterte ang internet celebrity na si Christian Albert Gaza upang sana’y mailigtas si Chua kay Durante.
Matatandaan na naging pinuno rin ng Presidential Security Group (PSG) si Durante sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ito, naging close-in security rin si Durante ng dating Pangulong Duterte.
Parte ng Philippine Military Academy (PMA) Tanglaw-Diwa Class 1992 si Durante.
Matatandaan na binaril-patay ng riding in tandem sa harapan ng kanyang bahay ang biktima, 7:30 ng gabi sa Green Meadow Subdivision, Barangay Sto. Niño.
Bumaba ng sasakyan ang biktima para sana buksan ang gate nang harangan siya ng mga salarin na sakay ng motorsiklo at nakasuot ng full face helmet, at binaril mukha ng isa sa mga salarin, sanhi ng agaran nitong kamatayan. Pagkatapos ay mabilis na tumakas ang riding in tandem criminals.
Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang pulisya para sa mabilis na pagresolba sa naturang krimen.
Ayon kay Police Major Eudisan Gultiano, tagapagsalita ng Police Regional Office 11, binuo ang SITG para matukoy ang pagkakakilanlan sa mga salarin at madakip ang mga ito, ganun din para malaman ang tunay na motibo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, bukod sa “crime of passion” na isa sa mga tinitignan nilang motibo sa krimen, posible rin umanong may kinalaman ito sa personal na away, trabaho o negosyo, pagnanakaw at maging ang away-trapiko.
Nanindigan ang mga awtoridad na mananagot ang responsable sa pagpatay sa biktima maging may mataas man itong katungkulan sa gobyerno.
Nagpalabas na ng isang milyong pisong reward para sa makapagtuturo sa mga salarin.
Samantala, direktang itinanggi ni ni Brig. Gen. Jesus Durante III na may kinalaman siya sa pagpatay kay Chua.
Ipinaliwanag ni Durante, namumuno ngayon sa 1001st Brigade ng Army na nakabase sa lalawigan ng Davao de Oro, na nakaladkad ang kanyang pangalan sa pagpatay kay Chua dahil sa isang post sa social media na ginawa ng pinaslang na modelo noong Abril 2022, na nagpapakita ng mga pasa at sugat sa kanyang mukha at pinangalanan siya ang nanakit dito.
Kalaunan sinabi ni Durante na binawi umano ni Chua ang naunang post.
“Ako mismo, humihingi ng hustisya para kay Yvonne,” giit pa ng Heneral.