Advertisers

Advertisers

Bong Go: PhilHealth dialysis sessions dagdagan sa 2023

0 209

Advertisers

Hinimok ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang state insurer na Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na taasan ang saklaw nito para sa outpatient hemodialysis sa maximum na 156 session para sa 2023.

Sinabi ito ni Go kasunod ng pagpapatibay sa isang espesyal na probisyon sa ilalim ng badyet ng PhilHealth na ipinakilala ni Go na nagpapahiwatig ng paggamit sa P21 bilyong badyet ukol sa pagpapabuti ng pakete ng benepisyo sa ilalim ng Universal Health Care Act.

Kabilang dito ang pagpapalawak sa libreng coverage sa dialysis, mental health outpatient coverage, at implementasyon ng comprehensive outpatient benefit package, gaya ng free medical check-up at iba pang benefit packages.



“I commend the adoption of my proposed special provision under the PhilHealth budget that indicates the use of the P21 Billion budget pertaining to benefit package improvement under Universal Health Care Act,” sabi ni Go sa plenary deliberations ng 2023 budget ng Department of Health.

Sa kasalukuyan, ang mga miyembro ng PhilHealth at ang kanilang dependents na na-diagnose na may stage 5 chronic kidney disease at naka-enroll sa PhilHealth Dialysis Database ay karapat-dapat na tumanggap ng hanggang 144 hemodialysis treatments.

“Maraming lumalapit sa aking opisina para sa dialysis. Ito ang dahilan kung bakit ako naghain ng Senate Bill No. 190 na nag-uutos sa PhilHealth na ganap na masakop ang lahat ng gastos sa dialysis treatments, sessions at procedures na ginawa sa PhilHealth accredited-health facilities,” ipinunto ng senador.

“Pero kung kaya naman itong i-implement ng PhilHealth ngayon at sa susunod na taon, mas mabuti,” dagdag niya.

Ang SBN 190 o ang iminungkahing “Free Dialysis Act of 2022” ay magtatalaga sa PhilHealth, sa pagsangguni sa Health Technology Assessment Council, na bumuo ng isang komprehensibong dialysis benefit package na sasakop sa lahat ng gastos ng hemodialysis at peritoneal dialysis treatments, sessions at procedures sa PhilHealth accredited-health facilities.



Patuloy na itinutulak ni Go ang pagpapalakas at pagpapabuti sa sistema ng kalusugan ng bansa, lalo sa pagbibigay ng mas mahusay na access sa mga serbisyong pangkalusugan sa kanayunan.

Noong nakaraang taon, sinaksihan niya ang turn-over ceremony para sa bagong National Kidney and Transplant Institute Modular Hemodialysis Facility at dormitoryo.

Ang bagong pasilidad ay nilagyan ng 14 dialysis room, apat na hepatitis rooms at dalawang isolation room upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis, kanilang mga pamilya at mga kawani ng ospital. Ito rin ay kayang tumanggap ng hanggang 60 pasyente araw-araw.

“Napakahalaga sa akin ng kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya marami sa mga panukalang batas na aking agad na inihain ay sa aspetong ito nakatutok,” ayon kay Go.

Sinabi rin ni Go na patuloy niyang isusulong ang mas maraming people-centered at service-oriented na batas, habang tinitiyak ang walang tigil na paghahatid ng serbisyo publiko sa mga taong higit na nangangailangan ng atensyon ng gobyerno.