Advertisers
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pagbubukas ng Department of Science and Technology (DOST) Regional Science and Technology Week sa National Capital Region na ginanap sa University of Caloocan City (UCC) Congressional Campus nitong Huwebes, Disyembre 1.
Ayon sa DOST, nagtatampok ang nasabing kaganapan ng mga inobasyon sa paglikha ng trabaho, proteksyon sa yaman at pati na rin ang mga napapanatiling alternatibo para sa mga susunod na henerasyon.
Sa isang maikling talumpati, tinanggap ni Mayor Along ang mga panauhin, estudyante, at exhibitors at nagpahayag din ng suporta at pagpapahalaga sa mga proyekto ng DOST at mga katuwang na ahensya nito.
“Ang agham at teknolohiya ay ang susi tungo sa pagbabago at pag-unlad ng lipunan. Malaking bahagi po ito ng ating pang araw-araw na buhay at mas mabilis at mabilis na mga proseso at resulta,” wika ni Along.
“Kami po sa pamahalaang lungsod ay nagpapasalamat sa DOST at sa iba pang ahensya ng pamahalaang nasyonal sa pagtulong sa amin sa pagsisikap na imulat ang mga Batang Kankaloo sa larangan ng agham at teknolohiya,” dagdag pa ni Mayor Along.
Sa nasabing kaganapan, ginawaran ng DOST ang pamahalaang lungsod ng isa sa mga proyekto nito, ang “STARBOOKS,” isang kiosk na naglalaman ng libu-libong digitalized science at technology resources sa iba’t ibang format na naglalayong tulungan ang mga mag-aaral at guro sa kanilang mga pagsisikap sa pananaliksik.
Dumalo rin din sa nasabing paglulunsad sina Caloocan City District 1 Representative Oscar Malapitan, DOST Regional Operations Usec. Sancho Mabborang, DOST-NCR Officer-in-charge Engr. Romelen Tresvalles at DOST-NCR CAMANAVA CASTO Director Warren Gomez.(BR)