Advertisers
SOBRANG mahal na ang sibuyas sa mga palengke. Sabi nga ni misis, tinitingnan n’ya palang ang tag price per kilo ng pulang sibuyas ay napapaluha na siya. Tsk tsk tsk…
Dati kasi napapaluha lang si kumander ‘pag hinihiwa ang sibuyas. Ngayon, tinitingnan n’ya palang ang presyo ay napapaluha na siya. Animal!
Pero, sabi ng mga magsisibuyas sa Northern Luzon, ang mga trader lang naman ang kumakamal sa mahal na sibuyas. Dahil ang kuha sa kanila ay ganun parin naman kababa, nasa P50 lang. Sa merkado ay P220 per kilo na! Tinatamad na nga raw silang magtanim dahil nalulugi sila ng malaki sa taas ng abono at bayad sa mga nagtatanim.
Dahil sa pag-alma ng taong-bayan, nananawagan at nakikuusap ngayon ang gobyerno sa mga negosyante na ilabas na ang kanilang mga nakatagong sibuyas, ‘wag nang itago para lang magkaroon ng rasong makapag-import. Buking na ni Department of Agriculture Secretary, President “Bongbong” Marcos, Jr. ang istayl nitong mga negosyante. Hino-hoard nila ang produkto para tumaas ang presyo sa merkado at makapag-import uli sila.
Mababa kasi ngayon ang sibuyas sa ibang bansa dahil panahon ng anihan.
Pero ayaw ni PBBM mag-import ng sibuyas dahil anihan na nga ng ating mga magsisibuyas.
Kailangan sigurong pakilusin uli ni PBBM ang NBI at PNP-CIDG. Ipahalughog ang mga bodega ng mga negosyante ng sibuyas sa Maynila, Pasay at Bulacan. Go!
***
Nagpatawag ng emergency meeting ang Department of Agriculture hinggil sa nakatakdang pag-ban sa imported pink salmon, white pampano at pusit sa mga palengke maging sa super markets.
Simula kasi sa Lunes, Dec. 5, ay ipagbabawal na ang pagtitinda ng naturang masasarap na imported seafoods sa mga palengke alinsunod narin sa Fisheries Administrative Order (FAO) 195 na inisyu noon pang 1999.
Nakasaad sa FAO 195 na ang imported fish like pink salmon, white pampano at pusit ay puwede lamang sa mga malalaking restoran at hotel.
Ito’y para raw hindi makompetensya ang ating mga mangingisda. Noon yun, kungsaan nag-uumapaw pa ang huli ng ating mga mangingisda dahil malaya pa silang nakakapangisda sa West Philippine Sea na sinasakop na ngayon ng Tsina.
At nang iisyu ang FAO 195 ay nasa 70 million palang ang populasyon ng Pilipinas. Ngayon ay over 110 million na ang mga Pinoy. Hindi na kasya ang nahuhuling isda ng ating mangingisda.
Nabahala ang DA sa pag-ingay ng masa sa pag-ban sa naturang imported fish. Kaya nagpatawag ito ng pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources hinggil sa pagpatupad ng FAO 195.
Nabigyang buhay lang naman kasi itong FAO 195 dahil sa pagpansin ni Ombudsman Samuel Martirez. Kung bakit daw hindi ito ipinatutupad ng BFAR.
Kailangan lusawin na ni PBBM ang FAO 195 na ito, na kapirasong papel lang naman, sabi ng ilang loko lokong netizens. Hehehe…
Mantakin mong ang mga may pera lang ang binigyan ng “K” makatikim ng salmon sashimi at inihaw na pampano. Animal! Punitin na itong FAO 195, Mr. President!