Advertisers
BUMAGSAK sa kamay ng Quirino Criminal Investigation and Detection Group Provincial Field Unit o CIDG-PFU ang tatlong nagpapanggap na empleyado ng Department of Agriculture (DA) sa isinagawang buy bust operation sa Purok 3, Barangay Rizal, Saguday, Quirino.
Kinilala ni Police Major Erwin Volibul, Provincial Officer ng Quirino CIDG-PFU, ang tatlo na sina Rubenio Garcia, 44 anyos; Salvador Garcia, 32, kapwa residente ng P-5 Brgy. Bugallon Norte, Ramon, Isabela; at Delino Mercado, 52, ng P-3 Brgy. Rizal, Saguday.
Pinangunahan ni Maj. Arnel Talattad, Regional Special Operation Team-CIDG RFU2; kasama ang Quirino PFU-CIDG, NICA 2, RID 2, DA RO2 at SL Agriculture Corporation ang pagsagawa ng operation.
Nasamsam ang 13 sako ng binhing palay na dapat ay hindi ibinibenta dahil sa mayroon tatak na ‘Not for Sale’ na libreng ipinamamahagi ng DA kabilang ang isang sasakyan L300 na kulay puti (TWD 877).
Tinatayang nasa P275,000 ang halaga ng mga nakuha sa tatlo.
Ayon kay Volibul, galing ang mga binhi sa isang bodega sa Cauayan kungsaan kumukuha ng kanilang ibinibenta ang tatlo. Dapat ay libre ipinamamahagi sa mga magsasaka ang binhi bilang subsidy lalo sa mga apektado ng bagyo.
Nahaharap ang tatlong suspek sa paglabag sa RA 7394, PD 1612, at Estafa dahil sa pagbebenta ng binhi ng DA na may markang ‘not for sale’. (Rey Velasco)