Advertisers
NATAGPUANG patay ang mag-live-in partner nang magbigti sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ronald Labina, 29 anyos; at Johanna Saliling, 14, Grade 8 student, kapwa Teduray at nakatira sa Barangay Pamantingan Esperanza, Sultan Kudarat.
Sa ulat ng Esperanza PNP, natagpuang nakalambitin ang dalawa sa loob ng kanilang tinitirhan nang magbigti gamit ang lubid na tinali sa kanilang leeg at sa kisame ng bahay.
Sinabi ng mga pinuno ng tribong Teduray, na humiling na huwag magpakilala, na mahigpit ang pagtutol ng mga magulang ni Saliling sa relasyon nila ni Labina at binalaan pa ito na magsampa ng kasong statutory rape laban sa kanya dahil menor de edad ang kanilang anak.
Sa kulturang Teduray, pinapayagan ang teenage marriage nguni’t nais ng mga magulang ni Saliling na makatapos ito ng high school at mag-aral ng apat na taong kurso sa kolehiyo.
Tinutulan ng mga kamag-anak ni Saliling ang plano niyang pakasalan si Labina.
Sa ilalim ng bagong batas laban sa child marriage, Republic Act 11596, maaaring makulong ang mga magulang na pumayag, o sinumang nag-aayos ng kasal kung 18 anyos pababa edad nito.
Dahil menor de edad ang babae, mahaharap din si Labina sa kasong panggagahasa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, walang nakitang foul play sa pagkamatay ng mag-live-in partner.