Advertisers
Patay ang isang lola nang hatawin ng kahoy bago nilaslas ang leeg gamit ang gunting ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng tahanan nito sa Quezon City, Sabado ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Josefina Santos Lubrica, 63, caretaker at taga-#124 Cordillera corner Samat St., Brgy. Lourdes, QC.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, 5:00 ng hapon (November 19), nang madiskubreng patay ang matanda.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Rhic Roldan Pittong ng CIDU, noong Nobyembre 17, 2:35 ng hapon, iniwang mag-isa sa bahay ng kapatid na si Melinda Lubrica ang matanda.
Pagbalik umano ni Melinda, ilang ulit na umano siyang nagdo-doorbell walang nagbubukas.
Sa isa pang gate na ito dumaan at pagpasok wala sa paligid ang kapatid.
Sa pag-aakalang natutulog lang ang kapatid, pinuntahan umano ito ni Melinda sa silid subali’t pagbukas ng pinto bumungad ang matanda na duguang nakahandusay at may nakabaon pang gunting sa leeg.
Nasamsam sa crime scene ng SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni PCMS Federico Manzano, ang mga fingerprint sa TV screen, gunting at 2 dos-por-dos na kahoy na 24 inches.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga pulis at humingi na rin sila ng CCTV footage upang matukoy ang mga salarin.