Advertisers
Kulong ang isang lalaki nang pagnakawan ang pinapasukan kumpanya ng humigit-kumulang na P6.7 milyon na halaga ng mga computer graphic cards sa Valenzuela City.
Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang suspek na kinilalang si Rint Joshua Babao, 25, residente ng Barangay 144, Bagong Barrio, Caloocan City.
Base sa imbestigasyon ng Station Investigation Unit (SIU), inireklamo ang suspek ng kanyang employer at isang company staff na si Jovelyn Bacalla nang madiskubre ang ginawang pagnanakaw ng suspek at kasabwat nito.
Sa ulat ng pulisya, nadiskubre ni Bacalla na 180 pieces nang branded 3060 series computer graphic cards na nagkakahalaga ng P6,777,000 ang nawawala sa company warehouse sa Cabral St., Barangay Maysan ng nasabing lungsod.
“Nawalan na po kasi kami ng 30 pieces of graphic cards at nang pinapa-account po namin kay Babao ay hindi napo niya ma-account, doon po ay nagtaka na kami at bigla nalamang po siyang nag-submit ng resignation letter noong Nobyembre 14 kaya agad po kaming nagsagawa ng inventory sa warehouse,” ani Bacalla sa pulisya.
Matapos makumpirma ni Bacalla ang mga nawawalang items agad nitong pinuntahan at kinausap ang warehouse security guard at napagalaman na nagpunta sa warehouse ang suspek at sinabi nito sa guwardiya na pinapa-pull out yung mga items.
Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Station Investigation Unit (SIU) sa pangunguna ni PLT Armando Delima at PLT Ronald Bautista ng Detective Management Unit (DMU) matapos matanggap ang reklamo laban sa suspek.
Pagsapit ng mga pulis sa bahay ng suspek 7:00 ng gabi agad itong inaresto at nadiskubre ng pulisya na mayroon kasabwat ang suspek at kinilalang sina Rustom Maata Jr., alyas “Baby Ama” at Jomar Gabun.
Base kay PLT Robin Santos hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch agad naman isinauli ng mga kaanak ng suspek ang mga stolen items na itinago sa kanyang bahay.
Patuloy ang follow-up operation ng mga pulis upang madakip ang dalawang kasabwat ni Babao na mabilis nakatakas.