Advertisers
NAGA CITY – “Case solve”.
Ito ang sinabi sa mga kawani ng media ni Police Colonel Julius Cezar Domingo, Provincial Director ng PNP Camarines Sur, nang mahuli ang responsable sa pagpatay sa nawawalang dalagang estudyante ng Ateneo de Naga University.
Ayon kay Domingo, lumabas sa kanilang imbestigasyon na 5:00 ng hapon ng Oct 28, 2022 nang umalis sa tahanan sa Camaligan ang biktima, at 5:44 ng hapon sumakay ng bus.
Base sa mga nakuhang CCTV footages mula sa isang kilalang convenience store sa Pili, 6:00 ng gabi nang sumakay sa pedicab ang18-anyos na biktimang si Irish Payonga papunta sa capitol compound kungsaan gaganapin ang church event ng isang sekta. May kasamang isa pang pasahero ang dalaga pero naunang bumaba. Bago pa man makarating sa compound, nangyari ang karumal-dumal na krimen.
Dinala ang dalaga sa bakanteng lote sakop ng isang pribadong subdibisyon.
Nakita sa CCTV ang pedicab na pabalik-balik 7:30 ng gabi.
At 3:00 ng hapon ng Oktubre 31 nang matagpuan ang bangkay na napapatungan ng sako ng buhangin at lupa, walang saplot ang kalahating katawan.
Sa masusing imbestigasyon ng PNP, lumabas na dalawa ang crime scene, kungsaan nakuha ang bangkay at kung saan nakuha ang ibang gamit.
Ang dalawang pirasong condom na nakuha ay kasama sa ibang basura at hindi pag-aari ng salarin na si Reymark Belleza, ayon kay Domingo.
Narekober ng pulisya ang cellphone ng biktima na ipinapa-reformat ni Belleza sa isang mobile and computer shop sa naturang bayan.
Ayon sa opisyal, mayroong “extra judicial confession” sa public attorney si Belleza 10:40 ng umaga ng Martes. Nang ginagawa ang krimen, tinakpan niya ang bibig at ilong ng dalaga hanggang sa mamatay.
Sinabi naman ng SOCO na suffocation ang ikinamatay. May “most recent trauma” sa pribadong parte ng dalaga, ayon sa SOCO.
Walang kasamang iba ang salarin, base sa pahayag nito. Lumalabas sa imbestigasyon na amoy alak ang binata nang gawin ang nais nito, base sa isa pang pasahero na nagsisilbing testigo.
May mga lumalabas na impormasyon na may diperensya sa pag-iisip ang salarin, pero ayon sa PNP, sa kanilang pag-iimbestiga ay wala naman.
Hindi maisip ni Ronald Bien, malapit na kaibigan ni Belleza, kung bakit nagawa ito ng binata, pero nakita niya ang mga galos sa katawan ng kaibigan at natutulala noong Oct. 28 nang nag re-repack sila ng bigas pang relief.
Mahaharap sa kasong Murder, Robbery at Rape ang 18-anyos na salarin, pedicab driver.