Advertisers
NASAWI ang isang rider, habang kritikal ang angkas nito nang masalpok ng kotse sa Malate, Maynila nitong Huwebes ng madaling araw.
Ayon sa Manila Police District- Traffic Enforcement Unit, nasalpok ng Subaru Forester (AMC 528) na minamaneho ng 20 anyos na estudyante, at residente ng Quezon City, ang mga biktima na patuloy pang inaalam ang kanilang pagkakilanlan.
Sa ulat, binabagtas ng kotse at motorsiklo ang kahabaan ng northbound ng Taft Ave. sa Malate nang masalpok ng nasabing estudyante ang kanang bahagi ng motorkilo dahilan para tumilapon ang mga biktima.
Nagawa pang i-revive ng mga rescuer ang rider nguni’t hindi na kinaya sanhi ng tinamong pinsala, habang ‘unconscious’ ang kanyang angkas sa Philippine General Hospital (PGH).
Maswerte namang nakalabas ng kotse ang 20 anyos na binatilyo habang nagliliyab ang kanyang sasakyan.
Tumangging magbigay ng pahayag ang 20-anyos na driver ng kotse, pero iginiit niyang sumunod lamang siya sa batas trapiko nang paandarin ang kotse dahil ‘go’ ang stoplight, hanggang sa may sumulpot na motorsiklo.
Sa lakas ng impact, kapwa nasunog ang sinasakyan ng mga biktima.
Iniimbestigahan din kung nakainom ang driver, bagay na kaniyang itinanggi. (Jocelyn Domenden)