Advertisers
SA kauna-unahang pagkakataon ng kasaysayan ay ngayon lang nagkapit-bisig ang mga may-ari o managers ng ibat-ibang recruitment agencies upang lalong mapatibay ang boses ng industriya partikular ang kapakanan at kalagayan ng ating mga kababayan na nasa ibayong-dagat.
Ito ang naging pahayag ni Atty. David Castillon, founder/chairman ng Special Alliance of Welfare Officer, Advocate, Recruiters and Migrant Workers (SWARM) matapos pangunahan ang pagkakatatag ng organisasyon at pagpili sa mga bagong halal na opisyal nito.
Ayon kay Castillon, mahalaga ang magiging papel ng SWARM bilang nasa panig ng pribadong sektor dahil sila ang nagpapaalis ng mga Overseas Filipino workers (OFWs) kung saan ay mas mapapadali ang komunikasyon ng mga ito sakaling magkaroon sila ng problema mula sa kanilang employers at hindi na kailangang iparating pa sa ating pamahalaan.
Aniya, hindi na dapat iparating sa gobyerno natin ang problema ng OFWs, at sa mga media dahil dito sa nasabing organisasyon may kinatawan ang grupo na member of board of trustee at sa mga mapapaalis na OFWs, magiging miyembro sila at magkakaroon ng ID, maging ang miyembro ng kanilang pamilya ay magiging kaagapay din nito at makatatanggap ng benepisyo.
“Malaki po ang problema ng recruitment agencies sa ting mga regulating bodies, hindi naman po tayo tumitingin sa kung sino ba ang nagpapatakbo nitong mga ahensiya na ito, ang tinitingan po natin dito ay yung sistema, yung hindi naman talaga angkop na sa recruitment industry at pamamalakad ay hindi naman dapat ilalagay sa sistema, tapos makikinig sana sila doon sa industriya kasi kung ikaw ang nag-reregulate, dapat tanungin mo kung ang rules and regulations mo ay angkop ba yaan sa industriya kasi kung hindi naman naaayon, ang gusto lang naman natin ay mapakinggan ang boses ng recruitment agency.”paliwanag pa ni Castillon
Dagdag pa nito na hindi kalaban ng gobyerno ang SWARM dahil gusto rin ng organisasyon na makatulong sa magandang layunin o adbokasiya nito lalo na sa kapakanan ng mga migrant workers.
Ang mga nahalal na bagong opisyal ng SWARM ay kinabibilangan nina Victor Fernandez, President( Career Planners Specialist International, Inc); Abdullah Salam, Vice President; Chinita Reyes (Camox Phil. Inc), Secretary; Josselle Lumales ( Al Bayan Agency), Treasurer; Jesica Munoz, Auditor; at Carlah Doran ( Jobscontaq Manpower Corp.), Secretary General.
Napag-alaman na mahigit umano sa 100 ang mga kasapi ng nasabing organisasyon. (JOJO SADIWA )