Advertisers
INIULAT ng Department of Health (DOH) na patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng “hand, foot and mouth disease (HFMD)” sa lalawigan ng Batangas.
Ayon sa DOH, ito ay makaraang makapagtala pa ng 91 na bagong kaso
bukod pa sa pinagsususpetsahan o mga hinihinalang mga kaso ng naturang impeksyon.
Batay sa opisyal na datos ng DOH, mayroong 49 kaso sa bayan ng San Pascual at 42 naman sa Batangas City.
Sa mga kasong ito, sinabi ni Dr. Voltaire Guadalupe, ng DOH-Calabarzon na naisailalim na sa “clinical diagnosis” bagaman wala pang laboratory testing.
Sa bayan ng San Pascual, umakyat na sa 149 ang hinihinalang kaso ng HFMD ayon naman kay Municipal Health Office.
“Suspected — ito po ‘yung pumapasok sa case definition po ng hand, foot, and mouth disease na may fever, rashes po sa katawan, and mouth sores,” paliwanag ni San Pascual municipal health officer Dr. Joan Stephanie Matira.
Ang mga samples ay ipinadala na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para isailalim sa pagsusuri.
Ayon kay Matira, kapag nagpositibo ay maaari nang sabihing kumpirmadong kaso ng HFMD.
Upang makaiwas pa sa dagdag na mga kaso, patuloy ang paglilinis ng lokal na pamahalaan sa mga pampublikong paaralan sa bayan lalo na ang may mararaming suspected cases.
Sa Batangas City, may 76 suspected cases at 117 kaso na under monitoring. Patuloy din ang disinfection sa mga paaralan sa siyudad. (Jocelyn Domenden)