Advertisers
DINAKIP ng pulisya ang isang negosyanteng Chinese national na nagbanta umano sa dating kasintahan na ikakalat ang malalaswang larawan at video nito kung hindi makikipagbalikan sa kaniya isang lodging house sa Iloilo City.
Sa ulat, inaresto ng miyembro ng Anti-Cyber Crime Unit ng Police Regional Office 6 si Happy Co Castillo, may Chinese name na Jack Liu, 27 anyos.
Isinagawa ng mga pulis ang entrapment operation sa isang lodging house sa Molo, Iloilo City.
Naaktuhan ng mga awtoridad na nakahubad ang suspek sa loob ng kuwarto.
Ayon sa PRO-6, ilang beses na umanong nakipaghiwalay ang biktima pero pinagbabantaan siya ng suspek na ipapakalat ang kaniyang mga maseselang larawan at video kung hindi ito makikipagbalikan at makikipagtalik sa kaniya.
“From time to time sinesendan siya ng mga malalaswang larawan na patunay na mayroon siyang copy nung video nilang dalawa. So, until one time, itong kaibigan o bestfriend ni victim sinendan din ni Jack Liu,” pahayag ni Police Corporal Emerito Frutas Jr., spokesperson ng Anti-Cyber Crime Unit ng PRO-6.
“And then doon nga natin nakita si suspek nakahubad na. Ready na para pagsamantalahan ang biktima,” dagdag pa ni Frutas.
Kasalukuyang nakakulong ang Chinese national.