Advertisers
INILABAS na nitong Biyernes ng pulisya ang litrato at wanted poster ng nagpaslang sa brodkaster na si Percival Mabasa alyas “Percy Lapid”.
Itinaas din sa P1.5milyon ang inaalok na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng salarin na hindi parin nakikilala.
Una nang nag-alok ng P1 milyon na pabuya si Atty. Alex Lopez at dinagdagan ni Interior Secretary Benhur Abalos ng P500,000 mula sa sarili niyang bulsa kapalit ng impormasyon sa kinaroroonan ng killer ni Mabasa.
Maliban sa P1.5m pabuya, isang hindi nagpakilalang individual ang nagsabi sa PNP na magbibigay din ng P500K sa makahuhuli sa killer ni Mabasa.
Si Mabasa ay tinambangan habang papauwi na sa kanyang bahay Lunes ng gabi (Oktubre 3).
Nagbabala si Abalos sa salarin na sumuko na dahil kakalat na ang litrato nito sa media at social media na maaring dahilan para maaresto siya ng mga otoridad.
Nananawagan din si Abalos sa pamilya o kaibigan ng gunman na isuko na ito dahil maaring manganib narin ang buhay ng salarin mula sa mga tao sa likod ng pagkakapaslang kay Mabasa.
Napuna ni Abalos na ang salarin ay isang professional hitman base sa kanyang pag- oobserba sa mga galaw nito na nakunan ng CCTV sa crime scene.
Sa sinumang makapagbibigay impormasyon sa lalaking nasa wanted poster, maaaring makipag-ugnayan sa Las Piñas Police sa mga numero: 0947-462-2859, 09985987928, 8808-7935. (CESAR MORALES)