Advertisers
E-sabong muling buhayin? Hindi na ba kayo nakokonsensya sa mga masamang naging karanasan sa letseng e-sabong na iyan.
Ito ngayon ang umuugong na balita (ang pagbuhay sa e-sabong) sa kanto, at kung sakali raw ay magiging maganda na ang polisya upang — upang ano, hindi na maulit ang mga nangyaring masamang karanasan ng maraming Filipino sa kani-kanilang pamilya.
Hindi naman lingid sa kaalaman natin ang mga masasamang bunga ng letseng e-sabong — maraming pamilya ang lalong sumama ang kanilang kalagayan sa kasusugal sa e-sabong.
Sa halip na guminhawa o makaluwag sa akala’y nanalo pero mas marami naman ang talo, hayun nagdulot ito ng pagkalubog sa utang, pagbebenta ng ari-arian, pagnanakaw, at higit sa lahat ay pagbebenta pa ng sariling anak para lamang mayroong ipangtaya sa buwisit na e-sabong.
Hindi lamang ito ang masamang bunga ng nakasisira na e-sabong kung hindi, marami na ring kinitil na buhay o maraming dinukot na mga sabungero na kung saan ay hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan – kung sila man ay buhay pa o patay na.
Ngayon sa kabila ng lahat ng masamang karanasan sa demonyonge-sabong, nais pang buhayin ito ng iilan na sarili lamang ang iniisip kung saan kunwari ay concern sila sa kita “buwis” na mapupunta sa pamahalaan. Ulol!
Oo nga;t, malaki daw ang naipasok sa kaban ng pamahlaan ang e-sabong noong nagdaang administrasyon pero, ano naman ang naging kapalit nito sa mga Filipinong nalulong sa masamang bisyong ito. Maging ang mga kabataan, menor-de-edad ay nalulong sa sugal na ito. Natutong magnakaw sa sa kanilang magulang , magbenta ng kanilang mga kagamitan sa bahay para lamang mayroong ipangtaya sa e-sabong.
Aba’y sa totoo lang, sino ba talaga ang nakinabang sa e-sabong, sino ba ang lalong yumaman sa pera ng mga maralitang nalulong sa sugal na ito? Sino pa kung hindi ang mga operator habang si Juan dela Cruz ay lubog sa utang.
Huwag na pong buhayin ang e-sabong, total nandyan naman na ulit ang tradisyonal na sabong kahit pang sabihin ng grupo ng mga gaming technology na gawan ito ng pulidong polisiya upang hindi na maulit ang mga masamang karanasan sa unang e-sabong.
Polisiya? Mayroon na iyan sa nakaraaang e-sabong – masasabi rin maganda ang polisiya pero ano? Sa una’y nasunod subalit ano ang nangyari sa bandang hul, hindi na nasunod o nabalewala na ito. Maaring nasunod ang pagbibigay sa kita ng pamahalaan pero, paano iyong polisiya na hindi nasunod patungkol sa social concern.
Sa tingin niyo ba kapag nabuksan na ulit ang e-sabong with the new ek-ek policies ay hindi na maulit ang mga masamang karanasan sa e-sabong. Ulol! Mangyayari at mangyayari ulit iyan!
Kaya, wala nang dahilan pa para bigyan halaga ng mga mambabatas ang panawagan ng isang gaming technology na buhayin ito at pag-usapan mabuti ang polisiya. Marami pong mas mahalaga na dapat kaharapin at asikasuhin ng mga mambabatas kaysa sa pagbuhay sa e-sabong na iyan…
Nakatatakot nga itong proposal na makasama ang mga mambabatas sa pagbuo ng polisiya e. Bakit? Tiyak na buhay na buhay ang korapsyon dito. Siyempre, nandiyan ang pagdududa na magkano ang para sa mambabatas na mag-apruba para sa polisya ng e-sabong. Hehehe…hindi lang ipinanganak kahapon si Juan Dela Cruz. Sorry to tell this, alam niyo naman ang ugali ng ilan natin mambabatas. Hindi ko naman inilalahat ay magnanakaw, mayroon naman matitino din kahit na papaano..
Kaya, ang planong buhayin e-sabong ay dapat nang ibasura! Makonsensya naman kayo. Ikonsidera naman ninyo ang mga naghihinagpis na mga magulang ngayon- ang mga nawalan ng anak. Huwag pulos pangsarili o kita ang isipin. Makonsensiya naman kayo!