Advertisers
NADISKUBRE ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang libu-libong sako ng imported at lokal na asukal na tinatayang nasa P1.8 bilyon ang halaga sa isang bodega sa Barangay Lumbangan, Nasugbu, Batangas.
Ayon sa BOC, katuwang ang AFP at PNP-CIDG, kanilang nabisto ang 181,299 sako ng imported refined sugar mula Thailand at 197,590 sako ng lokal na asukal sa bodega ng Central Asucarera Don Pedro nitong Linggo, Setyembre 4.
Sa ulat, nasa 50 kilo ang timbang ng bawat sako.
Dala ng BOC ang ‘Letter of Authority’ (LOA) at ‘Mission Order’ (MO) sa isinagawang operasyon.
Ayon sa ahensya, patunay ang libu-libong sako na walang kakulangan ng suplay ng asukal sa bansa.
Ini-refer ng Customs ang mga nadiskubreng asukal sa Sugar Regulatory Administration para malaman kung mayroong hoarding na nangyari.
Isinara muna ang bodega habang isinagawa ang imbestigasyon.
Binigyan ng 15 araw ang may-ari ng bodega para patunayang legal ang kanilang nakaimbak na mga suplay ng asukal.
Pahayag ng ahensya, ito na ang maituturing na pinakamalaki nilang operasyon magmula nang simulan ang pagsasagawa ng inspeksyon ng mga bodega nitong Agosto