Mayor Honey at VM Yul, winelcome si Rep. Richard Gomez sa City Hall
Advertisers
WINELCOME kamakailan nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo si Leyte 4th District Representative Richard Gomez sa Manila City Hall at nagpahayag ang mga ito ng kasiyahan sa pagkunsidera ng actor-politician sa sistemang ginagamit ng lungsod bilang template ng pamamahala.
Si Gomez ay sinalubong nina Lacuna, Servo at tourism department chief Charlie Dungo at tinanggap ito ng lady mayor sa kanyang tanggapan.
Sa kanilang pagpupulong na tumagal ng 45 minuto, sila ay nagpalitan ng mga kaalaman at pinag-usapan din ang ilang usapin kaugnay ng lokal na pamamahala.
Nabatid na kasama dapat ni Gomez sa Manila City Hall ang maybahay nitong si Ormoc Mayor Lucy Torres-Gomez, pero sumama ang pakiramdam ng alkalde ng Ormoc kung kaya’t hindi ito natuloy.
Sinabi ni Lacuna na nag-benchmarking si Gomez at nagtanong din ito ng mga magagandang ginagawa ng kabisera ng bansa.
Labis na pinagtuunan ng pansin ng mambabatas ang aspeto ng turismo at ang operasyon ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).
Matapos ang pag-uusap ay inutusan ni Lacuna si Dungo na ipasyal sa bagong Clock Tower Museum si Gomez.
Mula naman sa Clock Tower Museum ay dinala ni Angeles si Gomez sa command center ng MDRRMO kung saan ipinaliwanag nito ang kanilang operasyon.
Kasama sa ipinaliwanag ni Angeles kay Gomez ang sakop at lawak ng kanilang trabaho at kung paano ang MDRRMO ay labis na nakakatulong sa panahon ng kalamidad sa loob at labas ng Maynila. (ANDI GARCIA)