Advertisers
NAALARMA ang ilang residente sa bukiring barangay ng Don Gregorio Antigua, Borbon, Cebu dahil naging kasimputi ng gatas ang tubig sa ilog Linggo ng hapon.
Ayon sa kapitan ng barangay na si Gitoy Ornopia, isinagawa agad nila ang imbestigasyon dahil ito ang una na nakaranas ng ganitong insidente ang Goyong River.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman ng barangay na may isang residente na inosenteng naghugas ng isang malaking water-based flexi bag sa ilog.
Inilarawan ni Ornopia na isa itong malaking inflatable plastic bag na may lamang pulbos dahilan para pumuti ang tubig sa ilog.
Ginagamit umano ang flexi bag sa pagbiyahe ng mga likido, at nakuha ito ng residente mula sa pinagtatrabahuhang trucking services sa Mandaue City.
Ayon kay Ornopia, ipapadala nila ang water sample sa lokal na pamahalaan at sa kinauukulang ahensya ng gobyerno upang masiguro na walang nakakahilong kemikal ang tubig.
Habang sinusulat ang balitang ito, wala pang nai-report na namatay na mga isda o hayop sa ilog.
Inabisuhan ng barangay ang mga residente na huwag munang gumamit ng tubig sa ilog at ilayo ang mga alagang hayop sa ilog habang inaalam pa ang kaligtasan nito.