Advertisers

Advertisers

Philippine Building Act inihain sa Senado ni Bong Go

0 261

Advertisers

Isinusulong ang mas ligtas at disaster-resilient na mga komunidad, inihain ni Senator Bong Go ang panukalang Philippine Building Act of 2022 na magbibigay ng mas epektibong regulasyon sa pagpaplano, disenyo, konstruksiyon, pagtira, at pagpapanatili sa lahat ng pampubliko at pribadong istruktura laban sa natural at gawa ng tao na mga kalamidad.

Ang pangunahing layunin ng Senate Bill No. 1181 ay upangbprotektahan ang kapakanan ng publiko at mabawasan ang epekto ng mga sakuna sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga pamantayan at benchmark sa lahat ng mga gusali o istruktura na may inirerekomendang katatagan at integridad na disenyo laban sa mga sakuna.

Iminungkahi sa panukala na dapat ding mag-institutionalize ng isang sistema na magsusuri sa mga mekanismo sa pag-update ng mga regulasyon at magpapalakas sa partisipasyon ng stakeholder at may-ari ng gusali.



Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagpapabuti sa mga regulasyon sa gusali at pagbalangkas sa pinakamababang pamantayan, lalo kung isasaalang-alang ang kahinaan ng bansa sa mga natural na sakuna dahil sa heograpikal na lokasyon nito.

“Ilang dekada na po ang nakalipas mula nang maging batas ang National Building Code of the Philippines. Naipasa po ito noong 1977 at mula noon, marami na po ang nagbago at marami na po tayong natutunan tungkol sa building safety dahil sa makabagong siyensya. Panahon na po upang ating pag-aralan ang pag-update sa National Building Code na ito.”

Sinabi ni Go na may mga pamantayan sa kaligtasan sa sunog na hindi kasama sa kasalukuyang batas. Nag-iiwan ito ng ilang puwang at kakulangan na kailangang tugunan.

Upang malutas ito, nagmungkahi si Go ng mga pagbabago upang matiyak na ang lahat ng gusali at istruktura ay itinayo ayon sa prinsipyo ng “building back better”.

“Napakahalaga ng disaster resiliency dito sa ating bansa dahil bukod sa around 20 typhoons ang pumapasok sa ating bansa taon-taon, our geographic location makes us vulnerable to other disasters, such as earthquakes, landslides, storm surges and more,” ani Go.



“Nararapat na isaalang-alang ang posibilidad na maulit ang sakuna. Ire-require din natin na ma-integrate ang disaster resilience measures sa paggawa ng rules and regulations, at sa reference standards para sa pagpaplano, pag-design, at pag-reconstruct ng mga bagong buildings and structures na itatayo,” paliwanag ni Go.

Kung maisasabatas, ang National Building Official (NBO) ang pangunahing mananagot para sa pagpapatupad, pangangasiwa at pagpapatupad nito.

Itatatag naman ang Building Regulations and Standards Council upang tulungan ang NBO sa pagrepaso at pagrekomenda ng mga tuntunin at regulasyon upang maisakatuparan ang mga layunin ng iminungkahing batas.

Sinasaklaw din ng panukala ang pagsusuri at inspeksyon ng mga lumang gusali upang matiyak na ang integridad ng istruktura ay nasusunod. Hihilingin din sa mga may-ari ng gusali o umiiral na konstruksyon na kumuha ng naaangkop na mga permit mula sa local building official bago magsimula ang naturang trabaho o occupancy.

“Huwag na po natin hintayin pa na magkaroon pa ng sakuna. Dapat palagi tayong one-step ahead at importanteng maging handa tayo para masigurado na ligtas at disaster-resilient ang ating mga komunidad,” ayon sa senador.