Mayor Honey sa Bgy. officials: ‘Kumbinsihin ang mga residente na magpa-booster’
Advertisers
HINIMOK ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng barangay officials sa lungsod na gamitin ang kanilang posisyon upang kumbinsihin ang mga residente na magpa-booster laban sa COVID-19.
Ginawa ni Lacuna ang pahayag matapos niyang makiisa sa panawagan ng national government, sa pangunguna ni President Bongbong Marcos, Jr., sa paglulunsad ng “PinasLakas” booster shot campaign sa SM Manila.
Sa nasabing paglulunsad, si Lacuna mismo ang nagturok ng booster shot sa Presidential son at Ilocos Norte first district Congressman Sandro Marcos. Dumalo din sa pagtitipon sina Vice Mayor Yul Servo, Department of Health officer-in-charge Rosario Vergeire at Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at iba pa.
“Habang tumatagal ang panahon from your last vaccine, pababa na ang epekto nito o nagwa-wane off na ang bakuna kaya kailangan ng booster,” sabi ni Lacuna. Binanggit din ng alkalde na 49 percent lang ng eligible population sa National Capital Region ang tumanggap ng booster shots.
“Everyday, bawat lungsod me target lalo na seniors. Sa ating mga barangay, patuloy ninyong hikayatin ang inyong nakasakupan na magpa- booster na,” dagdag pa ng lady mayor.
Ayon kay Lacuna ang booster shots ay available sa lahat ng health centers, apat na shopping malls at anim na district hospitals sa Maynila.
“So please, please, nakakikiusap kami lalo na sa seniors na sana ay i-avail na po ninyo ang first booster,” ayon pa kay Lacuna.
Ang second booster, ayon kay Lacuna ay ibinibigay na rin sa lungsod bagamat ito ay limitado pa base sa pag-aaral.,
Ang mga may edad na 18 – 49 na may comorbidities ay maaari ng magpa-second booster habang ang mga edad 50 pataas ay maaari na ding magpa-booster kahit wala silang comorbidities. (ANDI GARCIA)