Advertisers
KINASUHAN ang opisyal ng Quezon City Police Disrtict sa People’s Law Enforcement Board-Quezon City (PLEB-QC) ng pamilya ng nasawing tricycle driver na biktima ng hit-and-run sa lungsod nitong Agosto.
Ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD na si Lt. Colonel Julio Abong ay kinasuhan sa PLEB ng Grave Misconduct, Grave Neglect of Duty and Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Bukod kay Abong, hiniling ng pamilya ng biktima na sibakin sa police service ang iba pang police officers ng QCPD na kasabwat sa umanoy “cover-up” sa insidente.
Kinumpirma ng mga kapatid ng biktima, na si Abong ang nagmaneho ng Ford Ranger pick-up (NCG 8456) nang mabundol ang kanilang utol na tricycle driver, at sa halip na saklolohan ay tinakasan pa.
Ang pinakamsaklap pa, tumulong pa anila ang ilang pulis para pagtakpan ang Colonel at nagharap ng “fall guy” upang ito ang panagutin sa kasalanan ng nasabing opisyal ng QCPD.
Idinawit din sa kaso ang Station 3 Commander na si Col. Alexander Barredo, at ang kaniyang subordinate na si Cpl. Joan Vicente dahil sa hindi pagdakip kay Abong.
Nakita bilang ebidensiya sa cellphone video footage sina Barredo at Vicente kasama ang iba pang pulis ay nakatayo sa tabi ng sasakyan ni Abong, subalit walang nangyaring pag-aresto.
Iniulat na nitong Agosto 6 nang maganap ang insidente sa Anonas St., kanto ng Pajo St., Brgy. Quirino 2A, na ikinasawi ng driver na si Joel Laroa, 54 anyos, ng 28 Interior 1 V, Gonzales St., Krus na Ligas, Quezon City. (JUN FABON)