Advertisers
Sariaya, Quezon – Wala nang buhay, nakatali ang mga kamay, nakabalot ng packaging tape ang mukha at may tama ng bala sa ulo at likod nang matagpuan ang lalaking dinukot ng mga armadong grupo sa isang gasolinahan sa Taal, Batangas Miyerkules ng gabi at nag-viral sa social media, sa gilid ng Eco Tourism Road sa Sitio Pontor, Barangay Bignay 2 dito 6:50 ng umaga nitong Huwebes.
Ayon sa Sariaya Municipal Police Station, kinilala ng mga kamag-anak na dumating sa crime scene ang biktima na si Eugene Beltran Del Rosario, nasa hustong gulang, residente ng Lemery, Batangas.
Nahagip ng CCTV cameras ang pagdukot kay Del Rosario sa gasolinahan at nag-viral ito sa social media.
Makikita sa CCTV footage sa gasolinahan ang pagdating ng dalawang SUV na kulay silver sakay ang nasa walo hanggang sampung armadong grupo at kinaladkad si Del Rosario na nagsisigaw ng “tulong tulong” habang isinasakay ito sa isang SUV na kaagad umabante kasunod ang isa pang SUV.
Ayon sa kinakasama ng biktima na si Jane Cabello, galing sa Maynila ang kanyang live-in-partner na dating delivery rider at kababa lamang ng bus at pauwi na ng kanilang bahay sa Lemery nang maganap ang pagdukot dito.
Base sa paunang imbestigasyon ng Batangas PNP, lumalabas na sangkot at miyembro ng “Bukas Kotse Gang” si Del Rosario at posibleng mga kasamahan nito sa sindikato ang dumukot at pumaslang dito.
Nagsasagawa pa ng technical at autopsy examination sa bangkay ang Scene of the Crime Operatives o SOCO para alamin ang posibleng pagkatao ng mga pumaslang sa biktima.(KOI LAURA)