Advertisers
NAPATAKBO ang isang pulis sa checkpoint ng “Oplan Sita” sa Alaminos City, Pangasinan nang biglang bumunot ng patalim ang isang lalaki na unang sinita dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo na walang suot na helmet.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pagtakbo ng pulis patungo sa kabilang bahagi ng kalsada.
Nakasunod sa kaniya ang isang lalaki na may hawak na patalim. Maya-maya lang, napaluhod ang lalaki at itinutusok ang patalim sa kalsada.
Dito na nakakuha ng pagkakataon ang mga pulis na sunggaban siya at agawin ang hawak niyang patalim.
“After the arrest, nakainom ‘yung suspek. At during the interview, ito ang sinasabi niya na gusto na niyang mamatay. Kasi nagkaroon siya ng sama ng loob, nagkaroon siya ng kaaway sa pamilya,” sabi ni Police Leiutenant Colonel Leonard Paredes, hepe ng Alaminos City Police Station.
Kuwento ni SSgt. Richard Maure, sunod na sa pila ang lalaki, nang bigla itong bumunot ng patalim kaya napatakbo siya.
“Sabay bunot na siya, nabigla ako, kumbaga hindi ako ready, dumistansiya ako,” ayon sa pulis.
Lasing umano ang lalaki na mahaharap sa ‘direct assult’.