Advertisers
NITONG Hulyo 24, 2022 (Linggo) bandang 1:00 ng madaling-araw, binaril ng maraming beses ng dalawang pulis ng Obando, Bulacan na sina Patrolman Aristotle Abenoja at Pat. Emilio Pascua ang negosyanteng si Ramel Basa, 38 anyos, ng Lilac St., Bgy. Panghulo, Obando.
Sa police report na pirmado ni Major Restituto Espiritu Granil ng Obando Police Station, ang mga nakabaril-patay kay Basa ay mga nagrespondeng pulis nila matapos magreklamo ang isang Marvic Daligdig, 29, ng Enriquez St., Bgy. Panghulo, dahil umano sa ‘grave threat’ at ‘alarm scandal’.
Tinutukan raw kasi ng baril ni Basa itong si Daligdig at nagpaputok pa ito.
Pagdating ng responding policemen (Abenoja at Pascua) sa lugar. Pinaputukan daw agad ito ni Basa. At dito na raw gumanti ng mga putok ang mga pulis. Tinamaan si Basa. Kaagad daw dinala ng mga awtoridad si Basa Valenzuela Medical Center pero dead on arrival.
Nakuha sa bangkay ni Basa ang isang kalibre .45 na pistola na loaded ng pitong bala ang magazine.
Ang police report na ito ay malayo sa mga detalye ng pangyayari na isinalaysay ng mga testigo na kasama ni Basa.
Ayon sa 14-anyos na lalaking anak ng napatay (Basa), 12:50 ng madaling araw kasama niya ang tatay niya na bibili sana ng burger sa labasan. Tapos habang hinihintay ang order na burger, bumili ng isang boteng maliit na Redhorse sa katabing tindahan ang ama. Nang bigla raw ito tumayo, may nakasagutang lalaki (Daligdig) sa loob ng tindahan. Kaya niyaya niya ang ama na umuwi na. Nang bigla raw nagpaputok ang ama niya dahil may hawak na bote na akmang ipapalo sa kanya ni Daligdig.
Nang pauwi na ang mag-ama, dumating raw ang dalawang pulis na magkaangkas sa isang motorsiklo – ang isa naka-uniporme at ang isa naka-sibilyan. Tapos sumigaw yung pulis na naka-uniporme na ibaba ang baril ng matandang Basa. Tumakbo raw itong si Basa sa gate ng bahay ni “Mommy” at ang anak nitong binatilyo ang humarap sa mga pulis habang nakataas ang mga kamay. Nakatutok raw sa kanila ang mga baril ng 2 pulis. Nagmakaawa itong anak at nagsabing “wag po, wag po”. Sagot ng pulis sa bata: “Tumabi ka dyan, papatayin ko papa mo”. Sumigaw uli ang anak na “wag po, wag po”.
Habang binubuksan ng ama ang gate ni Mommy, pinaputukan daw ng pulis ang anak ni Basa sa gilid. Hindi pinatamaan. Kaya tumakbo ang bata para magtago, at doon na pinaputukan ng sunud-sunod ng dalawang pulis si Basa. Bumagsak ito. Puros sa likod ang tama, ayon sa forensic report.
Sabi ng anak, nang matumba ang kanyang ama, tumakbo siya palapit rito at nakiusap uli sa pulis na “tama na po”. Sumagot ang pulis na kunin nito ang baril ng ama at itapon, na sinunod naman ng bata.
Tapos kahit nakahandusay at naghihingalo na si Basa, pinosasan pa ito nakataob ng pulis. Sinabihan pa ito ng naka-sibilyang pulis na “Ang yabang mo!”.
Nakiusap ang anak na dalhin sa ospital ang tatay niya dahil humihinga pa. Pero hindi raw pumayag ang dalawang pulis.
After 10 minutes dumating ang kapatid ng biktima, si Ginalyn Basa. Sinabi ng kapatid na dalhin na sa ospital ang kanyang kapatid dahil umuungol pa. Pero tumanggi ang pulis, ayaw ipagalaw ang nakataob at nakaposas na naghihingalong biktima.
After 30 minutes, dumating ang bayaw ni Basa na si Rodgen Liberato, 41. Doon ay nakita niyang nakadapa, nakaposas, sa sahig ng police mobil ang biktima. Ayaw parin daw ito dalhin sa ospital ng mga pulis. Kaya nagwala na siya at doon pa lamang dinala ng mga pulis sa ospital si Basa. Dead on arrival ito sa pagamutan dahil sa dami ng nawalang dugo.
Sino sa tingin nyo ang kapani-paniwala rito? Ang police report o ang detalyadong salaysay ng mga testigo sa insidente?
Sa kuha ng CCTV sa lugar ng insidente, maririnig ang maraming putok ng baril. Makikita pa ang nagtatalsikang tubig sa daan. Ginawang firing range ang likod ng biktima.
Sa korte, kapag ang mga tama ng biktima ay sa likod, ‘Murder’ ito. Kung sa harap maaring Homicide lang.
Nakatakdang magsampa ng demanda sa korte ang misis ni Basa, pagkalibing ng huli sa Linggo.