Advertisers
Sa hangaring patuloy na mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan at gawing mas accessible sa lahat ang mga pasilidad ng ospital, naghain si Senator Christopher “Bong” Go ng panukalang nag-aatas sa Philippine Health Insurance Corporation na magbigay ng libreng dialysis sa lahat ng miyembro nito.
“Dahil masyadong mahal ang magpa-dialysis, ipaglalaban natin na maipasa ang panukalang ito na comprehensive dialysis benefit package para sa libreng dialysis ng lahat ng mangangailangang miyembro ng PhilHealth. Aatasan din nito ang PhilHealth na maging mahigpit sa pag-analisa ng mga claim na may kinalaman sa dialysis,” ani Go.
Alinsunod sa mga probisyon ng Universal Health Care Act kaugnay ng mga pagtaas sa premium rates at benepisyo, ang iminungkahing “Libreng Dialysis Act of 2022” ay nag-aatas sa PhilHealth, sa pagsangguni sa Health Technology Assessment Council, na bumuo ng isang komprehensibong pakete ng benepisyo sa dialysis na dapat ay ganap na sinasaklaw ang lahat ng gastos ng hemodialysis at peritoneal dialysis treatments, sessions at procedures ng PhilHealth accredited-health facilities.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, si Go ay tuloy-tuloy na itinutulak ang pagpapalakas ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapabuti ang sistema ng kalusugan sa bansa lalo sa pagbibigay ng access sa pangangalagang pangkalusugan sa kanayunan.
Noong nakaraang taon, sinaksihan ng senador ang turn-over ceremony para sa bagong National Kidney and Transplant Institute (NKTI) Modular Hemodialysis Facility at dormitoryo. Ang bagong pasilidad ay nilagyan ng 14 dialysis room, apat na hepatitis rooms at dalawang isolation room upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis, kanilang mga pamilya at mga kawani ng ospital.
Ito rin ay kayang tumanggap ng hanggang 60 pasyente araw-araw.
Bukod sa iminungkahing Free Dialysis Act, ang iba pang health-related measures ay bumubuo rin sa bulto ng priority bills ni Senator Go na inihain sa 19th Congress.
Kabilang dito ang mga hakbang na nagbibigay ng libreng taunang medical check-up para sa lahat ng Pilipino at pagtatatag ng Emergency Medical Services System.
Naghain din siya ng panukalang batas na nag-aamyenda sa Insurance Code upang payagan ang mas mahigpit na pangangasiwa sa Health Maintenance Organizations.
Samantala, para isulong ang kapakanan ng healthcare workers sa bansa, muling inihain ni Go ang kanyang Barangay Health Workers (BHWs) Compensation and Incentives Bill at ang kanyang Advanced Nursing Education Bill. Itinulak din ng senador ang kanyang mga panukalang batas na nagtatag ng Centers for Disease Control and Prevention at Virology Science and Technology Institute of the Philippines.
“Napakahalaga sa akin ng kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya marami sa panukalang batas na aking agad na inihain ay sa aspetong ito nakatutok,” ayon sa senador.
Sinabi rin ni Go na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng mas maraming people-centered at service-oriented na batas, habang tinitiyak ang walang tigil na paghahatid ng serbisyo publiko sa mga taong higit na nangangailangan ng atensyon ng gobyerno.
“Lahat ng aking pagsisikap ay nakadirekta sa pagpapanatili ng mga tagumpay na nakamit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa bansa sa kanyang termino, habang sinusuportahan din ang mga programa at mga hakbangin na inilaan ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa bawat Pilipino. Umaasa ako na sa pamamagitan ng pagkakaisa, pakikiramay, at ating pangako na maglingkod, masisiguro nating walang Pilipinong maiiwan tungo sa pagbangon,” ani Go.