Advertisers
NAPAKARAMI ko nang natanggap na reklamo at maging ako mismo ay maraming beses nabiktima ng traffic lights sa may bahagi ng P. Burgos, sa may intersection ng mula sa Pamantasan Lungsod ng Maynila (PLM) o Department of Labor (DoLE) patungong Luneta at Manila City Hall.
Napakabilis kasi magpalit ang traffic lights sa intersection na ito. Kung ikaw ay mag-u-turn o mula ng PLM o DoLE sa loob ng Intramuros paapuntang Luneta o Manila City Hall, halos pitong sasakyan lang ang makakatawid at magpu-pula (stop) na. Kung mabagal ang usad ng mga sasakyan dahil madalas trapik sa lugar, tiyak aabutan ka ng ‘stop’ sa gitna. Mahahagip ka ng traffic camera, tapos padadalhan ka ng notice ng Manila Traffic and Parking Bureau, multa ka ng P3K sa Manila City Hall. Animal!
Dapat lagyan ng counter ang traffic lights sa lugar na ito para matantiya ng mga motorista ang pag-abante sa pagtawid na hindi maabutan ng ‘stop’ sa gitna.
Aba’y sobra pa sa notoryos na holdaper ang traffic lights sa may P. Burgos na ito, Mayor Honey Lacuna.
Tingin ko milyones na ang kinita ng traffic lights na ito. Ayusin nya naman yan, Metro Manila Development Athority (MMDA).
***
Ilang kongresista ang tutol sa nakatakdang Barangay at SK Elections sa unang linggo ng Disyembre ng taon. Gusto nila ipagpaliban uli. Animal!
Gagastos daw kasi ang gobyerno ng mahigit P8 bilyon sa eleksyon na ito. Makabubuti raw na gamitin nalang muna ang pondong ito sa problema sa agrikultura.
Ilan sa mga nagpahayag ng pagtutol ay itong pinsan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na si Congressman Romualdez at kaalyado nilang dating aktor na si Richard Gomez.
Kapag na-extend uli ngayon ang termino ng barangay officials at SK, lalabas na mas mahaba pa ang termino nila sa Presidente ng Pilipinas na anim na taon lang.
Nanghihinayang sila sa P8 billion pondo para sa eleksyon, pero hindi nila alintana ang mahigit P10 bilyon anomalya sa pagbili ng facemasks at faceshields sa Pharmally, at grabeng katiwalian sa Department of Agriculture.
Dapat nang matuloy ang eleksyon sa Disyembre dahil napakarami nang barangay officials ang dapat alisin dahil sakit na ng ulo ng kanilang mga residente. Mga inutil!
Huling nagkaroon ng eleksyon sa barangay Mayo 2018 pa, matapos ma-postpone ang dapat ay May 2016.
Hindi na dapat pumayag si PBBM na ma-postpone uli ang Dec. 5 Brgy/SK Elections. Dapat!
***
Tama itong mga ginagawa ng DSWD Secretary Erwin Tulfo sa pagtanggal sa mga ‘di karapat-dapat maging miyembro ng 4Ps, na intended lamang para sa ‘poorest of the poor’.
Natuklasan ni Tulfo na halos isang milyong benepisyaryo ng 4Ps ay hindi naman talaga hikahos sa buhay, wala nang anak na pinag-aaral, at pinang-iinom o pinangsusugal lang ang nakukuhang ayuda mula sa gobyerno.
Say ni Tulfo, ang matatanggal na ‘di na karapat-dapat na 4Ps beneciaries ay papalitan ng mga matagal nang nasa waiting list.
Pinadali narin ni Tulfo ang requirements sa pagbibigay ng ayuda sa burial. Death Certificate at Certificate of Indigency nalang. Bravo!