Advertisers
MAGPAPATUPAD ng gun ban ang Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 25 sa Batasang Pambansa.
Ayon kay PNP Director for Operations Police Major General Valeriano De Leon, magsisimula ang gunban sa Metro Manila mula Hulyo 22 hanggang 27 matapos na inaprubahan ito ni PNP Officer in Charge (OIC) Lt. Gen. Vicente Danao Jr.
Kasabay nito, sinabi ni De Leon na isang task force ang binuo upang tumutok sa kabuuang implementasyon ng gagawing seguridad ng unang SONA ni Pangulong Marcos.
Sinabi ni De Leon na ang nasabing task force ang makikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para sa iba pang security issues katulad ng traffic rerouting, pakikipag-usap sa mga magsasagawa ng kilos protesta at iba pa.
Aniya, ang security preparation ay hindi kasing higpit ng seguridad katulad sa nakaraang inauguration dahil gagawin ito sa closed building.
Isinaad ni De Leon na naipresenta na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Felipe Natividad kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. nitong nakaraang Linggo ang mga dapat gawing security plan para sa nasabing event.
Sa plano, magpapakalat ng 15,000 pulis, sundalo at mga force multiplier upang masiguro ang paligid ng Batasang Pambansa.
Habang papayagan naman ang mga magsasagawa naman ng kilos-protesta sa mga itinalagang mga freedom parks katulad ng ginawa nitong kakatapos na inagurasyon ng pangulo sa National Museum noong Hunyo 30.
Nanawagan din si De Leon sa mga protesters na bigyan ng pagkakataon ang bagong administrasyon na ilatag at isagawa ang kanilang plano sa susunod na anim na taon. (Mark Obleada)