Advertisers
NAGHAHANDA na ang burukrasya sa pagpasok ng bagong pamahalaan na pinangungunahan ni Boy Pektus na hindi mapigil ang pagngiwi este ang pagngiti sa gagawing kasumpa sumpa este panunumpa. Nagdeklara ang bayarang talunang yorme ng walang pasok sa nasasakupang lungsod kahit ito’y pababa na sa upuang inaanay sa dami ng kontrobersya sa mga naibentang ari-arian ng lungsod. Ipinakita ang tunay na estado ng laban sa nakaraang halalan. Maging ang Sandatahang Lakas na minsang tumalikod sa ama ni Boy Pektus ay nagpakita ng suporta kuno sa gagawing panunumpa.
Nagpadala ito ng kinatawan ng mga sangay upang magmartsa at sumaludo sa papasok na pangulo ng bansa. Sumunod ang ibang alkalde na malapit sa Maynila ng magdeklara ng walang pasok sa nasasakupan upang makiisa sa gagawing panunumpa. Tila hindi sumunod sa ibang alkalde si Ligaya.
Hindi ito ang nais na ipaabot, ang hindi malagyan ng mga Kalihim ang mga Kagawaran na napakahalaga lalo sa kasalukuyang sitwasyon. Walang ibig tumanggap sa alok ni Boy Pektus na makasama sa pamahalaan nito. Eh nariyan naman si Duque na malapit din sa lalawigan ng uupong pangulo. O’ walang sirang ulong doktor na pamunuan ang Kagawaran ng Kalusugan. O’ said na ang pondo ng kagawaran dahil sa Pharmally scam. At puro problema ang harapin kung papatulan ang alok ni Boy Pektus. Samantala, sa Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, isang dating heneral na inilagay bilang OIC na kailangan munang makita ang karakas este ang katapatan sa papasok na pangulo. At wala pa ring Kalihim ng Department of Foreign Affairs sa hindi ring malamang mga dahilan. O baka hindi kayang bitbitin ang portfolio ng DFA dahil sa nakaraan ng papasok na pangulo. Mabigat ang tungkulin sa mga kagawarang ito, na walang maitalaga o walang ibig kumuha ng pwesto.
Sa paghahanda sa pag-upo ni Boy Pektus, nariyan ang mga Kulang sa Pansin (KSP) na mga pababang hepe ng mga tanggapan ng pamahalaan na tila nagpapapansin dito at ginawang sangkalan ang mga nakikitang kritiko ng nanunumpang Pangulo. Nariyan ang sipsip sa Securities and Exchange Commission na pinipisil na ang Rappler at pilit na ipinatigil ang operasyon nito sa pagbabalita. Kahit walang utos o galaw si Boy Pektus hinggil sa usaping ito, heto ang SEC na gumagalaw upang mabawasan ang grupo na maaaring maging kritikal kay Boy Pektus. Para saan ang kilos na ito ng SEC, ‘eddie’ para sa mapayapang pamahalaan ni BP sa darating na panahon. At siyempre para mapansin ang pamunuan sa SEC sa kilos nito at makamit ang gantimpalang posisyon sa pamahalaan ni BP. Ito ang paghahanda para sa kinabukasan ng puno ng opisina na ito o may malaking hangad na pwesto sa pamahalaan, tanong lang po…
Silipin ang galaw ng galamay ng pamahalaan, ang Anti Cyber Crime group na bantog sa Red Tagging ng media at maging ng ilang progresibong grupo na naglalabas ng baho ng pamahalaan. Maaga binulatlat sa media ang pangalan ng isang social media group na may kinikilingan ito at may karga ng pagka militante ang mga dalang impormasyon na makikita sa social media site. Hayun, ipinasara ang karamihan ng site nito. Dahil sa impormasyong inilalabas nito’y kontra pamahalaan, ayun nag proactive si Doyba at mga kasama nito na, isinara ang website ng binulatlat na organisasyon. O nagpapapansin kay Boy Pektus at baka masilipan ng ibang upuan sa pamahalaan at patuloy na hayahay na buhay.
Eto pa ang isa, hindi makakaupo ang isa sa mga sikat na personalidad na kinatawan ng isang party-list organization dahil sa napag-initan ng inaanak sa kasal ni Boy Pektus. Naghain ang bata kasama kuno ang ilang lider ng party list organization na huwag hayaan na makaupo ang napiling kakatawan sa kanilang party-list organization. Dahil sa nag-aalis ng mga damong ligaw sa kongreso, sinangayunan ng SC ang petition at sinabing hindi ito ang dapat maging kinatawan. O’ sadyang binabawasan ang mga kritiko sa anumang panig ng lipunan para kay Boy Pektus. Wala nang pag-uutos na ginagawa si Boy Pektus ngunit dama ng mga kritiko ang galaw na pinipigilan ng mga bata nito ang kilos ng mga posibleng hahadlang sa mga kilos nito.
Tunay na naghahanda ang mga tauhan ni Boy Pektus kung paano isasaayos ang paglalatag ng anumang nais ng amo sa darating na mga araw. Nariyan at nakapwesto sa mga maseselang opisina ng pamahalaan ang mga loyalista na magsusulong ng adhikain sa hinaharap. Nakakabahala dahil pawang mga batikan sa mga panggagago ang mga naitalaga at tuwiran ang pagsipsip sa lahi ng anak ti Batac sa halip na sa bayan. Ang paghahanda’y hindi lang para sa mabilisang panahon ngunit para sa kinabukasan. Ang masakit dito, gumagalaw ito ng walang basbas kuno ni Boy Pektus, paano malalaman kung meron o walang basbas.
O sadyang nagpapapogi lang kay BP. At sa pagpasok ng anak ni Boy Pektus sa politika, at ang palabas nitong magalang at mabait sa mga taga sunod ay pawang palabas lamang. Ito’y paghahanda sa darating na panahon, dahil politika lang ang trabaho o hanap buhay ng pamilyang ito. Hindi pa man isinasagawa ngunit tila may balangkas na kung paano muling isusulat ang kasaysayan.
Sa ibang pagkakataon, mukhang magagamit si Inday Sapak sa layon ni Boy Pektus na baguhin ang pagsulat ng kasaysayan ng bansa. Tila ito ang titimon upang sa pagsusulat ng bagong kasaysayan, hindi kakikitaan ng bakas ang lahi ni BP sa pagpapalit ng kasaysayan. Sa pagbabago ng pagsusulat ng kasaysayan, si Inday Sapak ang mag-uutos sa mga independenteng author na itama ang tala ng kasaysayan ayon sa kanilang nais. Ang mahalaga’y nariyan ang pagpapalit ng pagkasulat at sinasabi na ang dating mga kasaysayan ng pagmamalabis ng pamahalaan ng dating diktador ay pawang kasinungalingan. Ito ang pinaka layon, mapalitan ang kasaysayan na puno ng kasinungalingan.. Sa pagkakataong ito, ang malinis kunong pamamahala sa gobyerno ang siyang naganap sa nakaraang pamamahala ni senior at ito magaganap sa administrasyon ni Dayunyor.
At sa paghahandang ito, hindi malayo na si SM na kapapasok sa larangan ng lolo at ama ang siyang susunod sa nalalapit na panahon. Ngunit sa tatak ng kasaysayan, hindi nakukuha ang ibig lalo’t may panlililo sa bayan para sa sariling nais. Huwag magpakampante na ang minsan nabola’y muling mauulit. Hindi maramot ang kasaysayan lalo matuwid ang pamamaraan tungo sa susunod na kagalingan ng bayan…
Maraming Salamat po!!!