Advertisers

Advertisers

MAY-ARI NG BALINTAWAK MARKET, IPINATAWAG NG QUEZON CITY HALL

0 693

Advertisers

INIIMBITIHAN ng Quezon City Hall ang may-ari ng Balintawak Cloverleaf Market upang mabigyang-linaw ang isyung inilalabas ng mga vendors, tindero’t tindera sa naturang pamilihan.

Nabatid na nagpadala na ng imbitasyon si Quezon City Market Development and Admintration head (ret.) Colonel Popoy Lipana para sa mga Balintawak Market owners na sina Connie Asuncion, Robero de Guzman at Judge Miguel Asuncion.

Ayon kay Lipana, magandang makausap niya ang mga ito para maliwanagan ang lahat ng mga usaping bumabalot sa isa sa pinakamatandang pamilihan sa Metro Manila.



Matatandaan nitong nakalipas na Huwebes ay naglunsad ng kanilang Tigil Palengke Day ang mga vendors upang iparating ang matagal na nilang karaingan sa management.

Isa sa inirereklamo nila ay kahit noong kasagsagan ng pandemic, tatlong ulit na itinaas umano ang kanilang arawang upa kahit wala man lang pasabi sa kanila.

Isa rin aniya ito sa dahilan kung bakit biglang nagtaasan ang presyo sa Balintawak Market.

Ang Balintawak Cloverleaf Market ang isa sa pinakamalaking palengke sa bansa na kilala rin sa pagiging ‘bagsakan’ ng mga produktong mula sa Baguio, Pangasinan, Batangas at iba pang probinsiya.

Sinabi ni Balintawak Cloverleaf Market Association President Miguelito Mangunay, kahit ang mga butas na bubong sa palengke ay hindi maipagawa.



Wala rin umanong naipakitang bagong lease of contract sa mga vendors ang mga bagong may-ari.

Bukod dito, inirereklamo nilang ang pangit na pasilidad, sewerage treatment at iba pang pangangailangan ng mga tindero’t tindera ng palengke.

Ayon sa ating impormasyon, ang ang Balintawak Cloverleaf Market ay iniimbestigahan na rin umano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa kabiguang magbayad ng buwis.

Ang masaklap, ayon pa sa mga nagrereklamo, wala rin umanong Market Permit at Business Permit mula sa pamahalaang lokal ng Quezon City.

Dahil dito, nais ni Lipana na makausap ang mga may-ari ng palengke upang pagpaliwanagin kung bakit hindi natuloy ang pag-a-apply ng permit mula sa City Hall.

Sinabi ni Lipana, na nakahanda ang pamahalaang lokal na tumulong upang maayos ang problema ng malaking palengke upang hindi na makaapekto ng malaki sa mga vendors at hindi na rin madamay ang mga mamimili, partikular na ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

Mahigit sa 1,200 vendors ang sumali sa nakalipas na Tigil Palengke Day at nangakong ipapapatuloy ito hanggat hindi nakakamit ang kanilang panawagan.

Nais ng mga itong matugunan ang kanilang hinaing dahil hindi lamang silang mga vendors ang lugi rito, kundi pati na rin ang kanilang mga parokyano na karamihan ay sa Balintawak Market hinahango ang kanilang produkto.

Sa ganang akin, maganda ang ginawang hakbang na ito ni Col. Lipana.

Sana lang ay makipagtulungan sa kanila ang mga may-ari ng Balintawak Market.

***

Para sa inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com or mag Txt o tumawag sa 0935-2916036