Advertisers
Magkakaroon na naman ng bagong Instagrammable spot sa lungsod ng Maynila,.
Nagboluntaryo kasi ang Filipino-Chinese Youth Business Association, Inc. (FCYBAI) sa pagpapaganda, pagmantine at pagpreserba ng iconic na Filipino-Chinese Friendship Arch sa Binondo, na siyang tahanan ng pinakamalaking Chinatown sa buong mundo.
Buong -puso namang nagpasalamat sina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor at ngayon ay Mayor-Elect Honey Lacuna sa nasabing grupo na pinamumunuan ni Peter Zhuang na siyang founding president at chairman ng FCYBAI; president Andrew Ong; Executive Vice President Jackie Chan; vice president Jerry See; Vice president Willy Chua; vice president Dick Go and architect Jacky Yi.
Napag-alaman na ang nasabing grupo ay nakipag-ugnayan muna kay Secretary to the Mayor Bernie Ang para sa pagbuo ng isang memorandum of understanding (MOU) na nilagdaan ni Moreno at ng mga opisyal ng nasabing FCYBAI.
Ang naturang aktibidad ay sinaksihan ni Councilor Numero Lim, na pinuno ng Manila International Sister-City Association (MISCA) at may-akda ng Manila City Council Resolution na naging daan para sa nasabing MOU.
Matapos na makita ang panukalang pagpapaganda sa arko nang walang gastos mula sa lungsod, sinabi ni Moreno na mapalad si Lacuna dahil ang proyekto ay matatapos sa loob lamang ng ilang buwan, kung kailan, si Lacuna na ang nakaupong alkalde.
Nag-courtesy visit din ang grupo kay incoming Mayor Lacuna at ipinakita sa kanya ang magiging hitsura ng arko.
Na-impress naman si Lacuna sa arko at agad na pinasalamatan din ang FCYBAI dahil sa boluntaryong tulong sa Maynila.
Sinabi naman ni Secretary to the Mayor Bernie Ang, na siyang unang kinausap ng FYCBAI para sa plano, na ang arko ay donasyon mula kay Mr. Chan Chau To ng Shanghai, China at sa ilalim ng MOU, ang ibibigay lang ng city government ay ang kakailanganing manpower.
Ang Filipino-Chinese Friendship Arch ay itinayo noong 2015, sa panahong masalimuot ang relasyon ng Pilipinas at China dahil sa isyu ng West Philippine Sea.
Sabi ni Sec. Ang, pinatutunayan ng nasabing arko na ang pagkakaibigan at magandang relasyon ng dalawang bansa ay nananatiling matatag at puno ng respetuhan.
Hindi umano basta lamang masisira ang relasyon ng dalawang bansa na mahigit 2,000 taon na.
Maganda ang nasabing plano na nakita ko mismo at ayon kay Zhuang, 800 ilaw ang ilalagay sa arko na tatagal ng tatlong taon o mahigit pa. Gusto din daw nilang patunayan na ang mga gawang China ay matibay at pangmatagalan, taliwas sa karaniwang alam ng mga tao.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.