Advertisers
NANININDIGAN ang NOW Telecom na kung ang pagbabatayan ay ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari ay tila planado ang lahat para ma-delay ang pag-isyu ng mga frequency sa kanila.
Kumbaga, ang pinaka-ultimong layunin ay upang makinabang ang kumpanyang tila siyang pinapaboran na magkamit ng nasabing mga frequency upang sila ang makapag-operate at maiwan sa kawalan ang patuloy na aasang NOW Telecom.
Sa takbo ng mga pangyayaring, sa bandang huli pala ay wala naman talagang maaasahan ang NOW Telecom na makamit ang mga frequency na ninanais nito sa kabila ng pagtupad sa mga requirement para ma-isyuhan ng Provisional Authority.
Matatandaan na ang aplikasyon ng NOW Telecom para sa pagtatalaga dito ng mga frequency ay inaprubahan na ng ARTA (Anti-Red Tape Authority) noon pang Marso 1, 2021 sa pamamagitan ng isang Resolution at Order of Automatic Approval kungsaan ipinahayag nito na ang aplikasyon ng NOW Telecom para sa Provisional Authority “to operate in the frequency range 1970 Mhz to 1980 Mhz paired with 2160 Mhz to 2170 Mhz and 3.6 Mhz to 3.8 Ghz” ay kumpleto at aprubado na sa ilalim ng batas.
Kinukuwestiyon din ng NOW Telecom kung bakit napakabilis ng aksiyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na maghain ng “Manifestation and Motion” nito subalit tila matagal naman nitong inupuan ang aplikasyon ng NOW Telecom para sa mga frequency.
Hindi rin, aniya, magagawa ng ARTA na umaksiyon sa mga mosyon at manipestasyon ng NTC, mga hakbanging maituturing nang “forum shopping,” dahil wala na sa hurisdiksyon ng ARTA ang usapin.
Ang kasalukuyan namang Officer-in-Charge (OIC) ng ARTA na si Undersecretary Ernesto Perez, dating Deputy Director General for Operations, ay walang kapangyarihan na baligtarin ang mga naunang resolusyon ng ARTA dahil nga siya ay OIC lamang.
Sa ngayon, ang kaso ng NOW Telecom ay nasa Court of Appeals (CA) na, na siya ngayong may hurisdiksiyon dito.
Umaasa ang kumpanya na didinggin at mauunawaan ng CA na ang naunang ginawa na ARTA na aprubahan ang aplikasyon ng NOW Telecom ay naayon sa itinakda ng batas at bahagi ng mandato nito na maalis na ang “red tape” sa pagnenegosyo sa Pilipinas, at sa huli ay mai-award na dito ang mga frequency na kaytagal nilang hinintay na makamit.
Hiling din ng NOW Telecom ay makita ng CA ang kahalagahan ng ginawa ng NOW Telecom sa aplikasyon nito, na dumaan ito sa tamang proseso upang tuluyan nang makapagsilbi sa publiko at makapagbigay ng world class internet connectivity sa mas nakararaming Pinoy.
***
Tama si Senator-elect Robin Padilla na Tagalog ang kanyang gagamitin sa pakikipagdebate sa Senado. Kasi Filipino ang kanyang ka-debate at sa mga Filipino siya nagsisilbi. Mismo!
Kung Amerikano, aniya, ang kanyang ka-debate. Siempre mag-e-English siya. Hehehe…
Kasi nga naman ang mga Hapon, Korean o Chinese ay sariling wika ang kanilang ginagamit, hindi English, kapag nagdebate sa kanilang kongreso.
Ang pangit lang dito kay Robin ay ubod ng yabang. Hindi pa raw ipinanganak ang katatakutan niya. Eh kay “Osang” lang tiklop siya eh. Hehehe…