Advertisers
HINDI tumugma sa panlasa ng mamamayan ng bayan ng Tanza, Cavite ang ginawang raid ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Office noong June 14, 2022 ng gabi sa sakla den sa Brgy. Daang Amaya III, kung saan ay naaresto ang may 18 mga sugarol.
Dahil sa ginawang pagsalakay sa saklaang ino-operate ng magkasosyong alias Jun Guinto at ng police scalawag na si Sgt. Francisco ay lumitaw na double standard, hindi patas ang pagpapatupad ng batas ng Cavite CIDG na nasa ilalim ni Provincial Officer, P/LtCol. Ryan Dexter Andulan.
Ang saklaang binulabog ng operatiba ng Cavite CIDG ay naka-puwesto malapit lamang sa kapilya ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Daang Amaya III. Ngunit hindi ito malayo sa mga sakla dens na pinatakbo din nina alias Jun Guinto at Sgt. Francisco sa Daang Amaya II, malapit sa Yamaha Motors at Daang Amaya 1 na katabi lamang ng Sea Oil Gasoline Station.
Kahit na nga nagkagulo sa saklaan sa Daang Amaya III ay kampante naman ang mga poste o tagapamahala ng pasakla nina Guinto at alias Sgt. Fancisco sa Daang Amaya II at Daang Amaya 1, pagkat katwiran ng mga salot na sakla operators ay nakatimbre naman sila sa Tanza Police, Cavite Provincial Police Offices at CIDG.
Ganyan pala katindi ang kamandag nina alias Jun Guinto at Sgt. Francisco sa kapulisan nasa ilalim ng liderato nina Region 4-A PNP Director Antonio Yarra at Cavite PNP Provincial Director, P/Col. Arnold Abad.
Ang ganitong senaryo ay naglalagay naman sa masamang sitwasyon para kay OIC PNP Chief, LtGen. Vicente Danao D. Jr.
Dapat na maging reaksyunaryo si Gen. Danao Jr., laban sa mga tauhan nitong napagdududahan na may kinikilingan sa pagpapatupad ng batas.
Labag sa batas ang operasyon ng anumang uri ng sugal, kaya hindi lamang sa isang barangay sa bayan ng Tanza, Cavite dapat itong lansagin ito kundi maging sa alin mang panig ng lalawigan ng Cavite at ng bansa sa kabuuan.
Sa kabilang dako, paano nga naman di pagsususpetasahang nabili na nga nina alias Jun Guinto at Sgt. Francisco ang operasyon ng saklaan sa lalawigan ng Cavite, gayong hindi lamang sa bayan ng Tanza garapal ang operasyon ng saklaan na may shabuhan, kundi maging sa mga siyudad ng Imus, munisipalidad ng Indang at Noveleta.
Kunyari ay dry run pa lamang ang operasyon ng mga saklaan nina alias Jun Guinto at alias Sgt Francisco sa Cavite, ngunit sa totoo lang ay may tatlong linggo nang nag-ooperate ang mga naturang pasugalan sa hurisdiksyon nina Gen Yarra at Col. Abad.
May ulat na sa mga susunod na ilang araw pa ay bubuksan na rin ang mga saklaan sa Cavite City, Kawit, Silang, Rosario, Bacoor at iba pang mga lungsod at bayan sa lalawigan ng Cavite at maging sa lalawigan ng Batangas at Metro-Manila.
Kaya kapag hindi kumilos si Gen. Yarra laban kina Guinto at Sgt. Francisco, baka abutin siya ng delubyo sa nakaambang rigodon sa PNP sa sandaling naupo na ang bagong PNP Chief sa darating na July 1.
Malakas ang ugong mula sa ating Camp Crame insiders na di malayong mapalitan si OIC PNP Chief, LtGen. Vicente Danao Jr., kapag pormal na nakaupong Pangulo ng bansa si President-Elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Paano ba namang ipagkakatiwala pa ni BBM ang pagrenda sa kapulisan kay LtGen. Danao Jr., gayong hindi pa man ganap na full-fledged PNP Chief ito ay napakarami nang sumisira sa kanyang pangalan.
Isang alias Sgt. Aguas na noon pa man ay tila anay sa imahe ng mga naupong PNP Chief, ang kasalukuyang umiikot na sa CALABARZON at iba pang panig ng bansa para pabuksan ang mga naudlot na operasyon ng lahat na uri ng bawal na pasugal, pilferages at iba pang iligal na pinagkikitaan.
Pakilala ni alias Sgt. Aguas, ay engkargado siya ng tanggapan ni LtGen. Danao kaya’t nararapat na sa kanya ang timbrehan ng mga iligalistang tulad ni alias Jun Guinto at Sgt. Francisco.
Bukod sa puesto pijo o permanenteng saklaan ay hawak din ni alias Boy Guinto at Sgt. Francisco ang mga sakla-patay sa lahat na siyudad at bayan sa Probinsya ng Cavite.
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.