Advertisers

Advertisers

Bong Go sa PMA grads: Protektahan ang bayan

0 373

Advertisers

PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga bagong graduate ng Philippine Military Academy at pinaalalahanan silang manatili sa paglilingkod sa bansa at pagpoprotekta sa kapwa Pilipino sa pagpasok sa Armed Forces of the Philippines.

Noong Linggo, kasama si Go ni Pangulong Rodrigo Duterte sa commencement exercises ng ‘Bagong Sibol sa Kinabukasan Didigma Hanggang sa Wakas’ (BAGSIK DIWA) Class of 2022 sa Fort General Gregorio H. del Pilar sa Baguio City.

Ang PMA BAGSIK DIWA Class ay mayroong 214 graduating cadets, binubuo ng 165 lalaki at 49 babae. Sila ay ide-deploy sa tatlong sangay ng AFP, 104 sa Philippine Army, 57 sa Philippine Navy, at 53 sa Philippine Air Force.



“The Philippine Military Academy has efficiently prepared you for all possibilities and all eventualities. The eyes of the Filipino people are on you. Always remain true to your oath,” ang sabi ni Pangulong Duterte.

Kasabay ng apela ng Pangulo, hinimok naman ni Go ang mga nagsipagtapos na tuparin ang kanilang pangako sa bansa at ipagpatuloy ang pagpupursige sa pananaw ni Duterte na matiyak ang kapakanan, kagalingan at pamumuhay ng bawat Pilipino.

“Hindi lang po ang mga kadete ang nagtapos dito. Congratulations din po sa ating mga magulang at guro sa hanay ng PMA. Kung hindi po dahil sa inyo. ay hindi po nila ito makakayanan mag-isa,” ani Go.

“Sa 214 na nakapagtapos ng kanilang pag-aaral, maraming salamat po sa inyong hangarin na makapaglingkod at ipaglaban ang ating bayan. Asahan niyo po na kami ni Pangulong Duterte ay aalalay sa inyo sa abot ng aming makakaya,” paniniyak ng senador.

Bago pa maging senador, naging instrumento si Go sa pagsusulong ng pagtaas ng suweldo ng mga unipormadong tauhan, bilang pagtupad sa pangako ni Pangulong Duterte sa pagsisimula ng kanyang termino. Noong Enero 2018, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Joint Resolution No.1 na nagtataas sa base pay ng lahat ng military at uniformed personnel sa gobyerno.



“Noong umupo siya noong 2016, naisakatuparan po noong 2018. Ako po ‘yung isa sa inutusan niya at tumulong po sa desisyon na ‘yon na idoble po ang sahod ng ating mga militar at pulis,” sabi ni Go.

Inihain din ng senador ang Senate Bill No. 393 para magbigay ng libreng legal na tulong sa mga opisyal ng militar at pulisya. Kung minsan aniya ay nag-aalangan ang mga alagad ng batas na ipatupad ang buong puwersa ng batas dahil sa takot sa harassment mula sa mga makapangyarihang personalidad na maaaring magsampa ng kaso laban sa kanila.

“Tulungan natin ang ating mga militar at pulis para gamitin ang kanilang tungkulin. Basta nasa tama kayo, ipaglalaban namin kayo ni Pangulong Duterte,” ayon sa mambabatas.