Advertisers
NASABAT ng mga operatiba ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang 9,160 piraso ng party drugs o ecstasy na nagkakahalaga ng P15,572,000.00 sa interdiction operation mula sa tatlong air parcels sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa NAIA Complex, Huwebes ng umaga, Disyembre 16, 2021.
Napag-alamang droga ang laman ng mga parsela sa pamamagitan ng K-9 sweeping at X-ray scanning na nagresulta sa pagbawi ng mga nasabing parcels na naglalaman ng pitong lady hand bags.
Dahil dito, nagsagawa pa ng masusing inspeksyon ang mga awtoridad na naging sanhi sa pagtuklas ng kabuuang 16 improvised pouch na naglalaman ng maraming kulay na mga tableta ng ecstasy sa loob ng mga hand bag.
Ang mga nasabing parsel ay idineklarang mga regalo mula sa Netherlands.
Isinailalim ang mga sample ng ecstasy sa field test at chemical analysis na nagbubunga ng positibong resulta para sa Ecstasy o MDMA.