Advertisers
INANYAYAHAN nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang publiko na bisitahin ang taunang ‘Paskuhan sa Maynila’ sa Mehan Garden malapit sa Manila City Hall. Ito ay isang buong buwan ng Christmas activity na binuksan nina Moreno at Lacuna matapos ang “Manila EntrePinoy StrEAT Food Festival” na nagtapos noong November 30.
Sinabi ni Moreno na ang ‘Paskuhan’ event na nagsimula noong December 1 ay may kakaibang handog sa mga bibisita tulad ng mga magagandang lights and sounds shows at bazaar na kung saan may maraming bilang ng mga exhibitors na nagtitinda ng iba’t-ibang gift items at mga pagkain.
Pinuri at binati ng alkalde sina permits bureau chief Levi Facundo, public employment service office (PESO) Fernan Bermejo at tourism department chief Charlie Dungo sa nasabing proyekto kasabay rin ng pag-anunsyo niya na ang nasabing food festival ay kumita ng mahigit P2.7 million para sa mga small entrepreneurs na nakilahok at maging sa kanilang mga staff. Lumikha rin ng 200 trabaho ang nasabing food festival mula November 12 hanggang 30, 2021.
Ayon kay Moreno mula sa ulat ni Facundo, ang food festival ay naging instant hit sa mga grupo at pamilya na nagtutungo sa Mehan bawat araw upang kumain ng mga panindang pagkain at ito ay laging sold out.
Dahil sa pagtatapos ng food festival at sa pagsisimula ng ‘Paskuhan Sa Maynila’ , sinabi ni Moreno na natutuwa sila ni Lacuna na mayroon silang bagong alok na malluwag at magandang lugar na pasyalan para sa publiko at ito ay libre at walang bayad.
Sinabi ni Facundo, na ang Paskuhan ay bukas mula 4 p.m. hanggang 11 p.m. at tatagal hanggang January 1, 2022 at magpapasok hanggang 10:15 p.m. Sarado naman ito sa December 24 at December 31.
Ayon pa kay Facundo, ang lahat ng participants sa ‘Paskuhan sa Maynila’ ay fully vaccinated, mayroon ding sapat na bilang ng mga pulis sa lugar para sa kaligtasan at seguridad, mayroon ding mga COVID marshalls na mag-iikot upang magpaalala sa mga bisita ng protocols.
Inaanyayahan ni Moreno ang publiko na mag- enjoy sa mga special treats tulad ng daily performers, 15-minute light shows na apat na beses kada gabi, arcade, TikTok booth at magkakaroon din ng games tulad ng shooting galleries at dart balloons.
Idinagdag pa ni Moreno na ang “LOVE” structure ay may makukulay na fountain at mayroon ding 70 retail stores na nagtitinda ng shirts, dresses, toys, accessories, perfumery, souvenirs at powerhouse tools, bukod pa sa iba’t-ibang uri ng mga native delicacies, Eng Bee Tin hopia varieties, grilling at shawarma station. Mayroon ding Thai, Korean, Japanese, Vietnamese at Filipino dishes.
Iniutos din ni Moreno na tumatakbong presidente sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ang araw-araw na misting at fogging na isasagawa ng Manila Disaster Risk Reduction Managament Office sa ilalim ni Arnel Angeles. Ang traffic management at parking ay babantayan ng mga tauhan ng Manila Traffic Parking Bureau sa ilalim ng hepe nitong si Dennis Viaje. Ang mga lights and sounds at structures pati na ang mga stalls ay itatayo ni City Engineer Armand Andres habang ang round-the-clock cleaning naman ay nakatoka sa department of public services sa pamumuni ni Kenneth Amurao.
Pinaalalahanan ni Moreno ang lahat ng mga nagpaplanong bumisita sa venue na istriktong ipinatutupad ang health protocols at laging isusuot ang face masks habang nasa loob ng Mehan Garden.
“Let us support the city government’s efforts to help small businesses and create job opportunities as well,” sabi bi Moreno, na nagsabi din na mula Mehan, ang publiko ay maaring bumisita sa katabing shopping mall o magtungo sa Fort Santiago o kaya ay tumawid at mag-enjoy sa Hidden Garden at bisitahin ang ‘Instagrammable’ Jones Bridge. (ANDI GARCIA)