Advertisers

Advertisers

“No Vaccine, No Work” policy ng IATF, inalmahan ng ilang mambabatas

0 388

Advertisers

TULUYANG ipinababasura ng Gabriela Partylist ang resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na sapilitang pagbabakuna sa mga manggagawa o ang “No vaccine, No work” policy.

Kasabay nito ang pag-sang-ayon din ng Gabriela sa rekomendasyon ng House Committee on Labor and Employment na suspindihin ang Resolution 148-B o mandatory na vaccination bago makabalik sa trabaho ang mga manggagawa.

Giit ng grupo, ang anti-poor at anti-worker na polisiyang ito ay nagpapakita ng diktatoryal na pag-iisip ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapwersa ang mga manggagawa na magpabakuna.



Sa halip na sapilitang bakunahan, gawing mandatory dapat ang information drive ng pamahalaan sa COVID-19 vaccine, gayundin ang alokasyon ng mas malaking pondo para sa libreng COVID-19 testing, at libreng pagpapagamot sa mga magkakasakit.

Katwiran pa ng Gabriela, gobyerno ang dapat na tumitiyak sa occupational safety at health ng mga workers at hindi ang mga manggagawa ang pipiliting magpabakuna at gagastos sa COVID-19 tests.

***

Samantala pinapabawi naman ni Senator Risa Hontiveros ang mga resolution ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) na nag-oobliga ng pagbabakuna sa mga manggagawa.

Diin ni Hontiveros, hindi ito katanggap-tanggap at paglabag din sa ating mga batas.



Paliwanag ni Hontiveros, malinaw sa ating labor laws na iligal na i-hold ang sweldo ng sinumang empleyado nang walang pahintulot.

Giit ni Hontiveros, hindi ito dapat payagan dahil isang araw lang na maantala ang sahod ng manggagawa ay katumbas na ng gutom ng buong pamilya.

Dagdag pa ni Hontiveros, hindi rin tama na ipasagot ang regular na RT-PCR test sa mga manggagawa na tatangging magpabakuna laban sa COVID-19.

Sang-ayon si Hontiveros na dapat kapakanan at kaligtasan ng manggagawa ang isaaalang-alang, pero hindi sila dapat pwersahin o pagbantaan na hindi papapasukin o pasuswelduhin kapag hindi nagpabakuna.

Mungkahi ni Hontiveros, ang dapat ay pagtutulung-tulungan ng gobyerno, employers at employee associations na maengganyo ang mga mangagagawa na magpabakuna sa halip na parusahan.

Subaybayan natin!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
Ugaliing makinig sa programang “BALYADOR” at “WALANG PERSONALAN TRABAHO LANG” mula lunes hanggang linggo 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing sabado at linggo 12:00nn-12:30pm sa DWBL 1242 kHz am band, tuwing martes 9:30am RADYO NATIN 105.3 FM Pinamalayan at 10:00am RADYO NATIN 102.9 FM Victoria, tuwing huwebes 9:00-10:00am sa 96.9 FM RADYO NATIN Calapan City. Mapapanood livestreaming at Youtube live!