Advertisers

Advertisers

Bakit gusto ng marami si Isko? (Part 1)

0 358

Advertisers

SA matapang na pahayag ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na gagawin niyang aquarium ng mga lumubog na barkong China ang West Philippine Sea, ang daming nag-bash sa kanya: ang yabang daw, makuda lamang.

Talagang sa ngayon, kuda lang ang mangyayari, pero ang mahalaga, ngayon pa lang, nagpapakita ng tapang si Yorme Isko kahit hindi siya ang pangulo – na sana, kung susuwertihin sa Mayo 2022, siya nga ang manalo.

Hindi naman agad na susugod siya, kung sakali ngang siya ang pangulo, pasubali ni Yorme kasi, alam niya, kung lakas militar, mahina tayo.



Pero sa unang dalawang taon, sabi ni future President Isko, palalakasin niya ang ating Navy at Coast Guard at ipaparada niya sa teritoryo natin sa WPS para mabantayan ang ating mangingisda na malayang makapanghuli ng isda sa lugar.

Mabuti nang malaman ito ng China – na pag siya ang naging pangulo, hindi basta-basta pwedeng molestiyahin ng Chinese fishing vessel ang ating mangingisda sa Masinloc, Ayungin Shoal at iba pang isla sa dagat ng WPS.

Iba ang nagpapakita ng tapang, kaysa nagpapakita ng pagsuko sa kinakaibigan nating China pero tayo ang laging nilalamangan.

***

Yabang din lang daw na magpapatayo siya, kasama si Doc Willie Ong ng state-of-the-art na Cancer Center at aayusin nila ang mga gamit at pasilidad ng lahat ng regional hospital sa ating bansa.



May pruweba naman na kaya nga itong gawin ng tambalang Isko at Doc Ong, basta pagtiwalaan lang siya sa May 2022 elections.

Malapit nang matapos ang 10-storey na itinatayong bagong Ospital ng Maynila na magbibigay ng free medical service progam sa pamilyang Manilenyo.

Sino ang nakagawa ng tulad na COVID-19 Field Hospital sa may Rizal Park sa loob ng mahigit na 50 araw, wala at tanging si Yorme Isko lamang.

Sa COVID response, una ang city of Manila sa pagbili ng mabibisang gamot laban sa pandemya tulad ng Remdesivir, Tocilizumab, Molnupiravir at katulad na panlaban sa coronavirus.

Kahit hindi taga-Maynila, nabibigyan ng maayos na treatment sa maraming may sakit: ganyan kung magmalasakit ang Maynila sa kapwa Pilipino.

***

Marami pang ipinangako si Yorme sa mamamayang Pilipino sa maraming “Listening Tour” sa Cebu, Central Visayas, Central, Northern at Southern Luzon.

Libo-libong trabaho ang isa sa uunahin niya, pero hindi ito basta pangako lang kasi, ginawa na niya sa Maynila, at gagawin din niya sa ibang lalawigan kung siya ang pangulo.

May sarili siyang “Build, Build, Build program” sa Maynila tulad ng ipinatayong Tondominium, Binondominium at mga Residences sa Ermita, Sta. Cruz at Sampaloc area.

Itutuloy niya ang BBB program ni Presidente Rodrigo Roa Duterte, kasi sabi niya, irerespeto niya ang infra projects na ginastusan ng buwis ng taumbayan.

Pero bukod sa mga tulay, overpass, airports at pier, mas maraming mass housing, mas maraming eskuwelahan at ospital ang ipagagawa sa buong bansa, at uunahin niyang mabigyan ng trabaho ang mga Pilipinong propesyonal, inhinyero, arkitekto at karaniwang obrero para may trabaho at hanapbuhay ang maraming naapektuhan ng pandemyang COVID-19.

Sa loob ng dalawang taon, sisiguruhin niya, pangako ni Yorme Isko, maitatawid niya ang mahihirap na pamilyang Pilipino kasabay ang suporta sa agrikultura, sa livestock industry at sa fishfarming para maparami ang ani at masigurado ang food security ng bansa.

Madalas niyang ikinalulungkot na sa kabila ng mayamang lupang sakahan at maisdang karagatan ng Pilipinas, kailangan pa nating mag-import ng pagkain, e kaya naman nating magprodyus nang sobra pa sa ating kailangan.

Malaking badyet ang ilalaan niya sa agri-fishery sector at sa food processing industry para sa ating food security.

Tao, tao, … buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino ang uumpisahan niyang ipatupad kung siya ang papalaring maging pangulo.

***

Mabilis gumalaw si Yorme Isko at pruweba ang ginawa sa unang mga buwan niya sa Manila City Hall.

Sa loob na mahigit na 30 taon, namayagpag ang sindikato ng kotong sa lugar na iyon, pero dalawang araw lang, nalinis niya ang marumi, masikip na bangketa sa Quiapo, Divisoria, Blumentrit at iba pang teritoryo ng mga sindikato ng mga tiwaling opisyal ng barangay, pulis at tolongges sa city hall.

‘Yung ilegal parking sa may Liwasang Bonifacio na pugad ng bisyo, kotongan at pasyalan ng mga adik, isang araw lang, si Isko mismo ang nanguna sa paglilinis at ngayon ay maaliwalas na pasyalan ng taumbayan.

Marami pang ipinakitang mabilis na kilos si Yorme Isko laban sa mga loko at sindikato sa Maynila; iba ang tindig at kisig niya sa mga alkalde sa ipinakitang political will.

Basta sa ikabubuti ng bayan, ng tao, kahit malalakas, handa niyang banggain, kahit pa mga politiko at mawalan siya ng boto.

Iyan ang ilan sa mga dahilan kaya, love si Isko ng maraming tao.

Iyan ang pruweba na pag ginusto ng taumbayan, makapaghahalal siya ng matino, mahusay na Pangulo sa Palasyo ng Malakanyang.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.