Advertisers
ISANG babae ang timbog nang makuha rito ang nakaw na SUV sa Meycauayan, Bulacan.
Kinilala ang babae na si Mary Jean Aranas.
Sa ulat, hinanapan si Aranas ng National Bureau of Investigation (NBI) ng proof of ownership sa sasakyang dala-dala nito sa isang talyer.
Walang naipakitang ebidensiya si Aranas na kanya ang SUV na nawawala umano kaya inaresto ito ng mga operatiba.
Ayon sa NBI, noong Nobyembre 19, isang lalaki ang nagpaalam upang i-test drive ang SUV na pagmamay-ari ng 72-anyos na overseas Filipino worker. Tuluyan na raw itong tinangay at hindi na ibinalik matapos rentahan.
Paliwanag ni Aranas sa NBI, pinagpalit lamang niya ang kanyang sariling sasakyan sa naturang SUV na hindi niya raw alam na isang “hot car”.
“Wala siyang pinakitang dokumento na nag-swap sila. Hindi man ikaw ang kumuha ng sasakyan, constructively possession mo ‘yung sasakyan, ikaw ang presumably under the law kasi malum prohibitum ‘yan eh,” sabi ni NBI Region 3 Assistant Regional Director Noel Bocaling.
“Under the law, ikaw ang may accountability doon sa stolen automobile na gamit-gamit mo,” dagdag ni Bocaling.
Depensa ng abogado ng babae na si Atty. Mark Carrido, walang carnapping na naganap at naipit lang ang kanyang kliyente sa nangyari.