Advertisers
UPANG makasabay sa mainit na kumpetisyon sa industriya ng entertainment, kailangan magbuhos ng todong buhos na pamumuhunan dito ang pambansang pamahalaan.
Inihayag ito ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa idinaos na press conference ng “Yorme: The Isko Domagoso Story” nitong Biyernes kasunod ang pangakong kung siya ang mananalong pangulo sa halalan sa Mayo 2022, gagawin niya ang lahat upang makasabay ang Pilipinas sa mahigpit na kumpetisyon sa industriya ng telebisyon, pelikula at katulad na pagtatangghal.
Inihalimbawa ni Yorme Isko ang malaking tagumpay ng mga sikat na Korean telenovelas at grupong tulad ng K-Pop.
“Kung gagawin natin ang tulad ng ginawa ng Korean government na talagang gumastos ng malaking pera para mapaunlad ang kanilang movie industry, I think we can do the same. Umunos sila ng mahigit na 20 taon sa pagsisikap na matanggap ng mundo ang kanilang kultura na gamit ang visual arts. Kung nagawa nila, magagawa rin natin iyon,” sabi ni Yorme Isko.
Sa loob ng nakaraang 30 taon, lumawak sa buong mundo ang malakas na suporta ng K-Pop at ang pagsikat ng mga artistang tulad BTS and Black Pink.
Umaani ng mainit na tagapanood ang maraming Korean television shows at pelikula sa Netflix at katulad na streaming service.
Nag-aambag sa ekonomya ng South Korea ang musika, pelikula at palabas sa telebisyon ng humigit-kumulang sa 10B$ bawat taon.
“Isipin nyo kung paano nagawa ng Korean culture na mamayani sa mundo at ito ay dahil sa entertainment industry nila na napakalaki ng naitutulong sa pag-angat ng kanilang ekonomya,” paliwanag ni Isko.
Gagawin niya, sabi ni Yorme Isko, ang ginawa ng Korea upang maitanghal sa buong mundo ang talento at galing ng mga artistang Pilpino.
Kung anoman siya ngayon, sabi ng alkalde, ito ay utang na loob niya sa industriya at kung siya ay bibigyan ng pagkakataon, gagawin niya ang higit sa makakaya upang mapalaki at mapaunlad ang industriya ng pelikula, telebisyon, musika at tanghalang Pilipino.
Napakaraming mahuhusay na talento at artista ang Pilipinas, sabi pa ni Yorme Isko at kayang-kaya nila na makilala at sumikat sa buong mundo.
“… They (talents and artists) can surely conquer the world… the entertainment world. Isipin natin ang malaking maitutulong nila upang mapalago ang ating ekonomya. If BTS can do it, hopefully someday, somehow, we can do it also,” sabi ni Yorme Isko.
Binanggit ni Yorme si Ms. Lea Salonga – sikat na recording artist, artista sa pelikula at telebisyon at mahusay na concert singer – na pinahanga ang buong mundo sa pagganap bilang bida sa musikang tanghalan tulad ng “Miss Saigon” sa West End at Broadway bukod pa sa siya ang kumanta sa karakter ni “Jasmine” at “Mulan” sa dalawang Disney movie.
Halimbawa, si John Arcilla na kinilala ng mundo sa pagkapanalo bilang Best Actor sa nakaraang 78th Venice International Film Festival sa mahusay na pagganap sa pelikulang “On the Job: The Missing 8.”
“So, all we need to do as government is to really invest. Ang ganda, ganda ng CCP (Cultural Center of the Philippines). Ang ganda ng mga talents natin. Gwapo ang mga artista natin at talented silang lahat. In fact, we keep on winning in terms of talent. Look at Ms. Lea Salonga, another Ms. Saigon, and now recently si John Arcilla who gave pride to the country as Filipino artist,’” sabi ni Yorme Isko.
“May K-Pop ba tayo? Pwede na ‘yung P-Pop, kahit anong pop basta Pilipino pop, ‘yun ang importante. Let’s introduce that to the world and it can be done. It’s a matter of giving attention, value, premium, and time,” aniya pa.
Ang “Yorme,” ay ipinorodyus ng Saranggola Media at Viva Films sa direksiyon ni Joven Tan ay paglalarawan sa pelikula ng naging buhay ni Yorme Isko na nagsumikap na makaangat sa buhay basurero, gumaan ang buhay nang maging artista at matagumpay sa pagiging lingkod-bayan bilang konsehal, bise-alkalde at mayor ng Maynila.