Advertisers
MALAKING pasasalamat ang bukal sa loob na ibibigay ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, tumatakbong pangulo ng partidto Aksyon Demokratiko kung ieendosro siya ni Presidente Rodrigo Roa Duterte at iba pang opisyal ng gobyerno.
Inihayag ito ni Yorme Isko sa mga kausap na Angkas riders kamakailan sa Liwasang Bonifacio matapos na pormal na ideklara ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go ang pag-atras sa kandidatura para pangulo sa halalan sa Mayo 2022.
Si Go ay ang pambatong kandidato ni Pres. Duterte at ng PDP-Laban.
“Umaasa ako ng lahat ng tulong kasi from the beginning, nagtapat ako na kailangan ko ng tulong, kasi alam mo naman, solo na katawan ako sa mundo ng public service,” sabi ni Yorme Isko.
Ipinagtapat ng alkalde na kailangan niya ang maraming kaalyado, loyalista at mga tagasunod sa kandidatura para pangulo ng bansa.
“So kung ako ang mapupusuan nila, salamat. Thank you in advance,” wika ni Isko.
Maraming political observer ang nagpahayag na sa pag-atras ni Sen. Go, posible na maghanap ng kandidatong susuportahan si Pres. Duterte.
Imposible, sabi ng malalapit sa Pangulo na iendorso nito si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na katiket ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang bise-presidente.
Ilang ulit na binatikos ni Pres. Duterte si Marcos Jr. na isang “mahinang lider.”
Bunga ng ipinakikitang malakas na suporta mula sa maraming koalisyon ng partido politika at iba-ibang samahan ng volunteer, supporter, bukod ang pagtaas ng approval rating sa ilang political survey, naniniwala ang mga tagamasid sa politika, maaaring makuha ni Yorme Isko ang endorsement ni Duterte.
Sa kabila nito, sinabi ni Yorme Isko na maghihintay siya sa pahayag mula sa Malakanyang at iba pang opisyal ng gobyerno.
“Ayaw ko pa rin pangunahan sila until they say so. For the meantime, I’m always hopeful,” sabi ni Yorme Isko.