Advertisers
CAGAYAN – Kulong ang isang dating kahera ng hardware at palay buying station sa kasong “qualified theft” sa Brgy. Sta. Cruz, Ballesteros, Cagayan.
Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Marlou del Castillo, hepe ng Ballesteros Police Station, kinilala ang suspek na si Marilyn Cortes, 28 anyos, dalaga, at residente ng nabanggit na lugar at may mandamiento de arresto dahil sa salang pagnanakaw o qualified theft.
Sa report, inakusahan si Cortes ng kanyang amo na si aka Brent nang maaktuhan sa kanyang mudos operandi na pagnanakaw.
Napag-alaman na umabot sa P80,000 ang nakulimbat na pera ni Cortes sa loob ng isang taon.
Dinakip si Cortes ng mga pinagsamang tauhan ng Ballesteros PS sa ilalim ng pangangasiwa ni PMaj. Castillo at 203rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2 sa ilalim naman ng pangangasiwa ni PCapt. Louie Jay Felipe.
Posibleng makalaya lamang si Cortes kung makapaglagak ng halagang P72,000.00.
Nasa kustodiya ng pulisya si Cortes para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.(Rey Velasco)