Dahil sa low turnout: Isko nanawagan sa nat’l govt. na payagan na ang pagbakuna sa lahat ng kabataan
Advertisers
NANAWAGAN si Manila Mayor at Presidential bet Isko Moreno sa national government na payagan na ang pagbakuna sa lahat ng mga kabataan. Ito ay bunga ng mababang bilang ng mga nagpabakuna na mula sa edad 12-17 anyos sa pagsisimula ng malawakang pagbabakuna sa Maynila sa nasabing age bracket na may comorbidities nitong Lunes, Oct. 25.
Pinangunahan nina Vice Mayor Honey Lacuna at Congressman Yul Servo, kasama si Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan ang pag-iikot sa mga city-run hospitals kung saan ginagawa ang pagbabakuna. Mismong si Lacuna ang nagturok ng bakuna sa mga naunang kabataan na inaalalayan naman ni Servo .
Kabilang sa umalalay sa unang araw ng full blown vaccination ng mga kabataan ay ang mga hospital directors ng Justice Abad Santos General Hospital (JASGH), Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC), Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc and the Sta. Ana Hospital (SAH). Ang Ospital ng Maynila ang siyang napiling lugar kung saan ginawa ang pilot inoculation ng mga kabataan na may comorbidities nitong weekend.
Pinapanatag nina Lacuna at Servo ang mga magulang at guardians na kasama ng mga kabataan na nagpabakuna, na huwag mag-alala at huwag matakot dahil parehong proteksyon ang ibibigay mg bakuna tulad rin ng proteksyong nakuha ng mga may edad na mga naunang binakunahan.
Sinabi naman ng bise alkalde na ang low turnout ay posibleng bunga ng pagkakaroon ng online classes ng mga kabataan, bukod pa sa pagiging maulan nitong Lunes.
Sa JASGH, sinabi ni Director Dr. Merle Sacdalan na inimpormahan sila ng mga magulang na nakatakdang bakunahan na ang kanilang mga anak ay may exams na kasabay mismo ng araw ng bakuna.
Ang GABMMC na pangunguna ng direktor nito na si Dr. Ted Martin ang may pinakamaraming bilang ng mga nabakunahan na umabot sa mahigit 80.
Samantala sa SAH, sinabi ni Dr. Grace Padilla, direktor ng nasabing ospital na hanggang alas-2 ng hapon nitong Lunes ay 50 kabataan lamang amg dumating para magpabakuna. Umaasa si Padilla na dadami na sa mga susunod na araw ang mga magpapabakuna dahil nakalaan ang linggong ito sa mga kabataang may comorbidities.
Ayon kay Lacuna, ang bawat ospital ay may target na 150 kabataan na babakunahan base sa listahan ng mga kabataan na may comorbidities na mula sa listahan na binigay ng bawat barangay.
Dahil dito ay inatasan ni Moreno si Pangan na nakipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) para sa posibleng pagbabakuna sa lahat ng mga kabataan sakaling patuloy na hindi sumipot ang mga kabataan na may comorbidities.
Iniulat ni Pangan sa alkalde na nagsasagawa sila ng weekly assessment base sa rollout ng vaccines na ibibigay. Sa kasalukuyan ang priority na bigyan ng bakuna ay ang mga may comorbidities.
Nitong weekend, iniulat ni Lacuna sa alkalde na may 222 kabataan na may comorbities ang tumanggap na ng kanilang first dose sa Ospital ng Maynila nang walang adverse effects. (ANDI GARCIA)