Advertisers
HANDA na ang city government ng Maynila na magbakuna ng mga edad 12 hanggang 17-anyos.
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Lunes, Oct. 11 sa isang meeting na dinaluhan ng lahat ng pinuno ng mga departmento, kawanihan at tanggapan ng City Hall na ginawa sa Harbor View sa tapat ng Manila COVID-9 Field Hospital, kung saan nakipagpulong din siya kay Vice Mayor Honey Lacuna na siyang namamahala sa mass vaccination program ng lungsod kasama si Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, kaugnay ng paghahanda sa pagbabakuna ng mga nabibilang sa nasabing age group.
Sa nasabing meeting na unang pinangasiwaan nina secretary to the mayor Bernie Ang at city administrator Felix Espiritu, inanunsyo ni Moreno na may 50,000 kabataang edad 12 hanggang 17 ang pre-registered na sa vaccination program ng lungsod.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Moreno na ang city government ay may 12,000 vaccines na naka-ready na para iturok sa mga menor-de-edad bukod pa sa ilalaan ng gobyerno para dito.
“Ready na po ang Maynila sa deployment ng bakuna sa ating minors,” sabi ni Moreno na idinagdad din na tanging ang go signal na lang ng national government ang hinihintay nila.
Samantala ay sinabi ni Lacuna na hinihintay pa ng lungsod ang mga inorder na life-saving medicines para sa severe at kritikal na kaso ng COVID-19, dahil kakaunti na ang natitirang stock ng mga gamot.
Sinabi pa ng bise alkalde na ang Maynila ay matagal ng nagbibigay ng nasabing gamot sa mga pasyenteng nagmula sa lahat ng bahagi ng bansa, simula nang magdeklara at magpatupad ng ‘open policy’ ang kabisera ng bansa simula pa nang unang araw ng pandemya. Nangangahulugan ito na na nagbukas na ng pintuan ang lungsod kahit hindi sa taga-Maynila lalo na pagdating sa pagbibigay ng mga ng COVID-related services tulad ng vaccination, swab tests at mga kailangang-kailangang gamot.
Hinikayat ni Moreno ang mga magulang at guardians ng mga kabataan na edad 12 hanggang 17 anyos na irehistro ang kanilang mga anak o ginagabayan upang kapag inaprubahan na ng national government ang vaccination, ang mga nasabing kabataan ay agad na mababakunahan at magkakaroon ng proteksyon na kaloob ng bakuna.
Sinabi ng alkalde na ang mga nakatatanda o adults ay maaring magpunta sa kanilang records at i-click ang ‘add family’ at ilagay ang mga detalye ng menor-de-edad na miyembro ng pamilya. (ANDI GARCIA)