Advertisers
PATAY ang isang babaeng drug suspects nang aksidente itong mabaril ng isa sa tatlong kasama nito na nadakip ng pulisya sa isang buy-bust operation Lunes ng gabi sa Taguig City.
Dead on arrival sa Taguig-Pateros District Hospital ang suspek na si Lorbe Basilan, 57.
Kinilala naman ang mga naaresto na sina Juan Tenerife “alias Duks”, 40; Jose Odabar, 27; at Emily Respecio, 32.
Sa report ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente 7:30 ng gabi sa Purok 9, PNR Site, Barangay Western Bicutan, Taguig City.
Nabatid, na nagkasa ng buy-bust operation ang mga pulis laban sa mga suspek at nagpanggap na poseur buyer ang isa sa mga operatiba ng Taguig City Police na si Patrolman Randolph F Arlos.
Nang matunugan ni Tenerife na ang katransaksiyon niya ay pulis kaagad nitong binunot ang kanyang baril at punutukan si Patrolman Arlos.
Ngunit hindi tinamaan ang pulis hanggang sa nagpalitan ng putok ang mga ito at aksidenteng nabaril ni Tenerife si Basilan.
Nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang 67 gramo ng sabu na ang halaga nasa ₱455,600.00, isang genuine ₱1000 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang kulay asul na pouch, 9mm na baril, kalibre .38, isang kulay itim na weighing scale, isang improvised bamboo seeler, lighter, improvised water pipe, aluminum foil strip na may residue, isang stainless na gunting at isang TIN identification card.
Sinampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa Section 5 (selling of dangerous drugs, Section 6 (maintenance of den) Section 11 (possession of dangerous drugs), Section 12 (possession of paraphernalia for dangerous drugs) ng Article II ng RA 9165 and RA 10591.(Gaynor Bonilla)