Advertisers
Pumalo na sa sampung madre ang namatay dahil sa sakit na Covid-19 sa isang kumbento sa Quezon City sa pinakahuling ulat nitong September 25.
Ayon sa tagapagsalita ng Congregation of the Religious of The Virgin Mary (RVM Sisters) na si Sister Ma. Anica Co, kinumpirma niya na isa pang madre na miyembro ng RVM ang binawian na rin ng buhay nitong Sabado, nang dapuan ng virus.
Nabatid na ang naturang mga madre, kabilang sa 62 RVM sisters na dinapuan ng respiratory illness na napaulat kamakailan.
Mayroon ding 52 lay personnel nila ang dinapuan ng Covid-19 ngunit papagaling na umano ang mga ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Co na halos 20% pa ng mga madreng dinapuan ng virus ang nasa kritikal o malalang kondisyon.
Aminado si Co na sa ngayon, kulang na kulang sila sa mga madre at mga personnel para mag-asikaso sa mga sister at mga lay personnel, ngunit laking pasalamat aniya nila dahil maraming tao ang tumutulong sa kanila.
“We are short of sisters and personnel to attend to the needs of the sisters and lay pero talaga pong maraming tumutulong kaya sobra ang pasasalamat namin sa kanila,” pahayag ni Co.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Co na hindi sa RVM Sister galing ang isang solicitation letter na kumakalat ngayon sa social media.
“Medyo nag-aalangan po kami magsabi kasi name dropping po ba, ginagamit ang aming pangalan para mangalap ng kung ano-ano,” anang madre.
Matatandaang noong Huwebes, una nang kinumpirma ni Co na umaabot na sa siyam na madre nila na nagkakaedad na ng 79 hanggang 98-anyos at pawang may comorbidities, ang namatay dahil sa Covid-19.